#ApatDapat: Apat na rason bakit wagi ang Pinoy sa Tokyo 2020 Olympics


Isa ang Tokyo 2020 Olympics sa mga pangyayaring siguradong nagmarka sa buong bansa.

Sa panahon kung saan nahaharap ang bansa sa isang pandemya na walang katiyakan kung kailan magtatapos, isa ito sa mga nagbigay ng saya at pag-asa sa mga Pilipino na mayroon pa rin magandang balita sa kabila ng hirap na nararanasan.

Sa pagtatapos ng Tokyo 2020 Olympics noong Agosto 8, halina’t balikan ang apat na rason kung bakit wagi ang maging Pinoy sa paligsahan.

Unang pagkakataong nagwagi ng gold medal ang Pilipinas matapos ang 97 years na paghihintay.

Isang kasaysayan ang ginawa ni Hidilyn Diaz matapos nitong makamit ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas nang magwagi ito laban sa Chinese athlete at record breaker na si Liao Quiyun.

Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na tumugtog ang “Lupang Hinirang” habang may isang Pinoy na nakatayo sa podium habang hawak ang gintong medalya.

Nagtagala rin si Hidilyn ng bagong record nang ma-clear nito ang 127-kilogram sa kanyang final lift sa clean and jerk.

Muling nakapag-uwi ng multiple medals matapos ang 89 taon.

(Photo by Vincenzo PINTO / AFP)

Matapos ang pagkapanalo ni Hidilyn Diaz (gold, women’s 55-kg weightlifting), Nesthy Petecio (silver, women’s featherweight boxing), Eumir Marcial (bronze, men’s middleweight boxing), at Carlo Paalam (silver, men’s flyweight boxing) muli na namang nakapag-uwi ng multiple medals ang mga atletang Pinoy.

Taong 1932 nang huling makatikim ng multiple medals ang Pilipinas matapos magwagi ng bronze medals nina Simeon Toribio (high jump), Jose Villanueva (boxing), at Teofilo Yldefonso (swimming) noong Los Angeles Games.

Naitala ang kauna-unahang Pinay na nagwagi sa larangan ng boxing.

Si Nesthy Petecio ang kauna-unahang Pinay boxer na nagwagi ng medalya sa Olympics.

Pinatunayan ni Nesthy na may kakayahan ang mga kababaihan na iwagayway ang bandera nito sa larangan ng boxing.

Tinanghal ang Pilipinas bilang top-performing country sa Southeast Asia

Dahil sa pagkapanalo ng ating mga atleta, nakilala ang ating bansa bilang top-performing country sa Southeast Asia.

Bukod pa rito, itinanghal ang Pilipinas sa ika-50 pwesto sa overall ranking ng buong bansa.

Muli, isa itong karangalan na hanggang ngayon ay ipinagdiriwang ng mga Pilipino.

Tunay ngang nagmarka sa kasaysayan ng Pilipinas ang Tokyo 2020 Olympics.

Dahil rito, mas rumami pa ang nagkaroon ng interes para subuking maging atleta ng bansa.

Nawa’y dahil sa karangalang ating natatamasa, mas mabigyan ng pansin ng ating pamahalaan ang mga pangangailangan ng ating mga atleta.

At para sa 19 na atletang taas noong nirepresenta ang Pilipinas laban sa iba pang mga bansa, mabuhay kayo! Buong pusong pagsaludo mula at nawa’y patuloy niyong ibandera ang galing ng Pinoy saan mang sulok ng mundo.

Read more...