Eric Fructuoso magiging lolo na, payo sa ikakasal na anak: Wag kang magpapadala sa mga tukso!

Frederick Fructuoso at Eric Fructuoso

SA edad na 44, magiging lolo na ang dating matinee idol at member ng grupong Gwapings na si Eric Fructuoso.

Ikakasal na ang panganay na anak ng aktor na si Frederick Fructuoso at malapit na ring maging tatay kaya naman panay-panay na ang pagpapaalala ni Eric sa susunod na bahagi ng kanyang buhay. 
 
At bago nga ang kasal ng anak, pinayuhan ni Eric si Frederick sa mga dapat nitong gawin bilang isang responsableng asawa at tatay.

Ibinahagi ng aktor sa Instagram ang video ng naging conversation nila ng anak, “Ikakasal ka na. Magkaka-baby ka na. Heto ha! based on experience lang, ha? Hindi ko sinasabing sundin mo, hindi ko sinasabing gayahin mo ako.”

“Pero marami akong pagkakamaling ginawa, especially sa mommy mo, sa mga sumunod na…ito ang payo ko sa ‘yo, alagaan mo ‘yung asawa mo. Papakinggan mo siya, susundin mo siya,” ang bahagi ng advice ni Eric sa 21-year-old na anak.

Aniya pa, “Huwag kang magpapadala sa temptation dahil, anak, sinasabi ko sa ‘yo, hanggang sa edad ko ngayon, tinatrabaho ako ng babae lagi.

“Hindi ko na-experience manligaw, anak, pero lagi akong tinatrabaho. Kaya alam mo ‘yon, minsan nauuto ako, nadadale.

“Wala, e, marupok ako. Naniniwala pa ako. Kapag sinabing ‘I love you,’ ako naman ‘I love you rin,'” lahad pa ng dating “Gwapings” kung saan nakasama niya sa grupo sina Jomari Yllana at Mark Anthony Fernandez. 

“So, ibig sabihin, be true to your wife. Love her, love her like there’s no tomorrow, and enjoy-in mo lang. Huwag kang magpapaniwala sa ibang babae, ha?” payo ni Eric sa kanyang panganay.

Sa mga hindi pa nakakaalam, nag-try din noon si Frederick na pumasok sa showbiz. Taong 2015 sumali ang binata sa season 6 ng “StarStruck”, ang original reality artista search ng GMA.

Hindi nakapasok sa Top 35 si Frederick kung saan nakasabayan niya sina Ivana Alawi, Arra San Agustin, Migo Adecer at Klea Pineda.

Read more...