Ellen Adarna, Derek Ramsay at John Estrada
MALAKING problema ang haharapin ng producer at buong produksyon ng programang “John En Ellen” kapag itinuloy ni Ellen Adarna ang pagsasampa ng reklamo laban sa kanila.
Balak kasing mag-file ng report ng aktres sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases Resolutions o IATF ang management company ni Ellen dahil lumabag umano ang production sa COVID-19 health protocols.
Base sa kuwento ni Long Mejia na kasama sa cast ng programa ay nandoon si Derek Ramsay sa taping ng “John En Ellen” gayung hindi naman siya kasama sa show at biro nga nito ay, “PA (personal assistant) ni Ellen si Derek.”
At dito ibinuking ng aktor na kaya siya nakapasok sa resort kung saan nagte-taping ang sitcom ay dahil hindi naman naka-exclusive ang lugar dahil binuksan ito sa publiko.
“Nandoon ako nu’ng nangyari (sinasabing pagwo-walk-out ni Ellen sa taping) kasi po hindi naman sila naka-bubble, so bukas ‘yung resort and I was able to stay there at malayo po yung resort sa San Juan, Batangas so doon ako natulog kasi ako ‘yung mag-uuwi kay Ellen,” bungad ni Derek sa panayam nito kina Ogie Diaz at Mama Loi para sa kanilang YouTube channel.
Dagdag pa ni Derek, “Doon ako natulog at hindi ako lumabas ng kuwarto and I think people can attest to that na doon lang ako sa kuwarto namin. ‘Yung mga bagay na sinabing kumakain kami ng bulalo or whatever hindi ko alam kung paano nila nalaman ang inoorder namin at hindi ko nga alam kung nakatikim ako ng bulalo.
“Pero kung ano ang kinain namin sa sarili naming kuwarto ay kami po ang nagbayad no’n, so kung gusto nilang makakita ng resibo, puwede naman nating gawin ‘yun,” paliwanag ng fiancé ni Ellen.
Hindi nagustuhan ni Derek na nadamay siya sa gusot gayung nandoon lang naman siya para sunduin ang future wife niya.
“Ellen was given a choice of extending the night before para matapos ang mga eksena na kailangang tapusin pass the required IATF rules, nakiusap sila na ‘yung 12 hour-rule na iri-release na lang siya ng 12 noontime the next day, so tinanggap na ni Ellen kesa late na naman siyang matapos sa last day delikado naman kaming magbiyahe ng hatinggabi pauwi.
“Sabi ko kay Ellen, magandang deal ‘yan, tanggapin mo na lang, 12 noon tapos ka na. Pero hindi naman siya natapos ng 12 noon umabot pa ng 1:30 (p.m.). So after that scene umalis kami at ako ‘yung tagakarga ng bagahe, di ba sabi nga ni Long (Mejia) ako ‘yung PA at utility, alam ko namang nagbibiro lang si Long at nag-public apology na rin si Long kasi hindi naman niya alam ‘yung mga bagay na nangyayari which is yung usapan nga ng production,” kuwento pa ni Derek.
Ipinagdiinan niya na tinapos ni Ellen ang eksena niya at marami na raw pangyayari na ayaw na nilang palakihin pa at talagang nakisama rin daw ang aktres sa lahat.
“’Yung sinabing hindi nakikisama si Ellen sa set I think people should understand that we are in a pandemic and the rules and you should also respect her wishes na pagkatapos ng eksena rather than makipagtsikahan on the set and all of that she wants to be safe and just stays in her room because she doesn’t want to risk getting sick kasi babalikan niya ang anak niya, babalikan niya ako at babalikan niya ang magulang ko,” pahayag pa ng aktor.
Pagkatapos ng bawa’t scene ni Ellen ay bumabalik siya ng kuwarto niya at saka hihintayin ang susunod na eksena. Nabanggit pa na sobrang sumusunod si Ellen sa rules ng IATF.
“Lagi nga siyang umoorder ng pagkain para sa mga tao sa set,” sambit pa ng future husband ni Ellen dahil nga sa sinabing hindi nakikisama at nakiki-bonding ang aktres sa mga katrabaho.
“Sabi nga ni John sa akin and God is my witness na sabi niya, ‘kaya namin mahal na mahal si Ellen kasi madaling katrabaho at masaya,’ so I don’t know why nasabi ni Long na hindi nakikisama. E, baka si Long gustong magpatawa, Ellen wants to be safe,” say pa ni Derek.
Nabanggit din ng aktor na nagpapa-exit swab si Ellen na hindi nito siningil sa production dahil gusto nitong makasiguro na safe siyang makakauwi sa bahay nila.
At dito na ipinagtapat ni Derek na, “Hindi na namin pinalabas pero si Ellen pinasukan ng positive control stick. I want to talk about this so that people can be informed what a posstive control stick is.
“Kasi kapag nagpa-antigen test ka, each antigen test ‘yung swab na po ‘yun ay kulay pula at pag pinasok po ‘yun sa ilong mo it’s going to come out positive because that has death coronavirus on it na hindi dapat pinapasok sa ilong ng tao ‘yun.
“Buti na lang na-video ni Ellen ‘yung exit swab niya and napakita na nag-positive siya kaya nag-freak out si Ellen. Pinaulit namin ‘yung antigen, negative at pinaulit ulit namin negative at kami lahat nagbabayad nito. Pag-uwi ng Manila nagpa-PCR kaming lahat na close contact at negative naman na kami lahat ng gumastos na hindi namin charge sa production ng John En Ellen.”
Dagdag pa niya, “20 days na hindi nakita ni Ellen si Elias and that’s very, very stressful for a mother not to see her child for that long. Ang hirap kasi kapag nagtanong ka about protocol, iisipin mahirap ka ng ka-trabaho. Gustong magtrabaho ni Ellen, naninigurado lang po.”
Sa tanong kung magkaaway ba sila ngayon ni John, “Hindi ko siya kaaway, hindi ko (na) siya kaibigan. He’s no longer a friend of mine. I just don’t want to associate myself with John.
“Magsisinungaling ako kung (sasabihin ko) walang kinalaman ‘yung nangyari kay Ellen, pero ‘yon yung icing on the cake. Yun ang nag-push sa akin na okay enough is enough,” diretsong sagot ng aktor.
Sabi pa ni Derek nang mag-usap sila ni John ay, “I think naramdaman niya yung galit ko. I think na-understand naman ni John kung saan ako nanggaling. And in fairness to John, he was very apologetic about the experiences. Ayaw ko nang palakihin ‘to kasi marami nang nangyari.
“Pero, there were certain things na di ko na puwede tanggapin. For me, you go on with your life, I’ll go on with my life and I wish him well.”
Ang ipinagtataka lang ng marami ay noong Hunyo pa raw nangyari ang taping pero bakit ngayon lang naglabasan ang mga isyung ito.
“Hindi ko alam, ikaw na lang magsabi kung ano, ako kasi ang artistang hindi gumagawa ng gimik,” diretsong sabi ni Derek.
Ipinagdiinan pa na marami na siyang nakatrabahong malalaking pangalan sa showbiz pero hindi siya gumimik para pag-usapan ang programa o pelikula niya.
“I don’t make gimmick to make my show rate or to make my films successful!” pahayag ng aktor
Bukas ang BANDERA para sa panig ni John o sinuman sa produksyon ng programa.