YouTube channel ni Rita na-hack; epekto ng ‘Ang Dalawang Ikaw’ sa manonood mas tumindi pa

Rita Daniela at Ken Chan

BAKIT nga ba biglang tumigil sa pag-a-upload ng content ang Kapuso singer-actress na si Rita Daniela sa kanyang YouTube channel?

Nagpaliwanag na ang dalaga sa kanyang mga fans at subscribers tungkol dito at ibinalita nga niya na na-hack ang kanyang YouTube account.

Ayon sa leading lady ni Ken Chan sa afternoon series na “Ang Dalawang Ikaw”, na-shock siya sa pagkawala ng kanyang YT channel at nanghinayang sa libu-libo na niyang subscribers.

“Na-hack siya! Oh my gosh! Pero nag-reply na si YouTube na aayusin nila and na-verify na nila na it was really my account and I just don’t know kung when siya mababalik,” ang malungkot na pahayag ni Rita sa panayam ng GMA. 

Ilan sa mga content ng kanyang channel ay ang kanyang music covers kasama ang mga kapwa Kapuso stars, reaction videos at marami pang iba.

“I’m just so sad because, siyempre, ‘yung mga videos na nandoon, pinaghirapan ko ‘yun. I shot it myself and ako rin nag-edit and stuff.

“Pinag-isipan ko ‘yun and, siyempre, yun din ‘yung mga ginawa ko this past ECQ,” dagdag pang pahayag ng dalaga na abot-langit talaga ang panghihinayang.

Pahayag pa ni Rita, “But let’s see, if not, sayang kasi talaga ‘yung subscribers, pero ‘pag sobrang tagal na at hindi pa rin naayos, I might just create a new one and I hope you guys can still support me and follow me and subscribe (to my channel).”

Samantala, good news naman ang hatid kay Rita at kay Ken ng serye nilang “Ang Dalawang Ikaw” dahil sa patuloy nitong paghataw sa ratings game. 

Grabe na ang epekto nito sa mga manonood dahil na rin sa nakakaloka at kakaibang tema at istorya nito bukod pa sa mga pasabog na confrontation scenes nina Rita at Anna Vicente.
Sa pagpapatuloy ng kuwento, naiipit na si Nelson sa bangayan ng kanyang misis na si Mia at ni Beatrice, na asawa naman ng alter personality niyang si Tyler.

Si Mia ang legal wife ni Nelson pero kung umasta si Beatrice ay akala mo siya ang nagmamay-ari kay Nelson dahil nga dinadala niya ang anak nila ni Tyler.

Wala namang magawa si Mia kundi tanggapin ang sitwasyon ng dalawa. Kailangan niya ng mas mahabang pasensya at mas matinding pang-unawa kapag nakikita niyang pinag-iingatan ng kanyang mister ang kalagayan ni Beatrice.

Pero may hangganan din ang kabaitan ng palabang misis lalo pa’t sadya ang panggugulo ni Beatrice sa kanila ni Nelson.

Ang matindi pa, nais mapalapit ni Beatrice kay Nelson hindi lang dahil ito ang itinuturing niyang ama ng dinadalang bata, kundi dahil nahuhulog na rin ang kanyang loob sa core persona ng asawang si Tyler.

Kung magiging ama na si Nelson dahil sa ipinagbubuntis ni Beatrice, dapat bang mas bigyan niya ito ng importansya? Pero paano naman ang kanyang mapagmahal at maintindihing maybahay na si Mia na tanging umaalalay sa kanya sa gitna ng sakit na dissociative identity disorder?

Read more...