Janine wagi ng Rising Star Award sa 2021 New York Asian filmfest para sa ‘Dito At Doon’

Janine Gutierrez

WINNER na winner ang bagong Kapamilya actress na si Janine Gutierrez sa 2021 New York Asian Film Festival (NYAFF).

Isa si Janine sa mga tumanggap ng Rising Star Award ng NYAFF para ipinakita niyang performance sa lockdown movie na “Dito at Doon” kung saan nakatambal niya si JC Santos.

Sa kanyang Twitter page, ni-repost ng award-winning actress ang announcement ng New York Asian Film Festival tungkol sa bagong international award na natanggap.

“We are thrilled to present @janinegutierrez with the Rising Star Award this year. Catch the North American Premiere of the sexy, sweet rom-com ‘Here and There’ on August 21,” ang mensahe ng NYAFF sa kanilang official socmed account.

Sinagot naman ito ni Janine, “So honored!!!! thank you @NYAFF!! second year to have a film part of your festival and I was so sad that for the second time, we’re still unable to attend – but now I’m just filled with gratitude.

“Thank you for supporting Filipino films and creatives,” aniya pa.

Last year, ang award-winning movie rin ni Janine na “Babae at Baril” ang nagsilbing opening film sa NYAFF at hindi rin siya nakapunta roon dahil nga sa pandemya.

Bukod kay Janine, iginawad din ang Rising Star Award sa South Korean star na si Bang Min-A para sa pelikulang “Snowball” at sa Japanese artist na si Sosuke Ikematsu for the movie “The Asian Angel.”

Sa pelikulang “Dito at Doon”, ginagampanan ni Janine ang karakter ni Len, isang political science major student at certified NBSB o no-boyfriend-since-birth.

Habang naka-lockdown makikilala at makaka-chat niya online ang karakter ni JC Santos na si Caloy, na isa namang working student na naging delivery rider sa panahon ng COVID-19 pandemic.

Ang “Dito at Doon” ay idinirek ni JP Habac, na siya ring nasa likod ng 2017 romcom film na “I’m Drunk, I Love You” at ng hit 2020 boys’ love series na “Gaya Sa Pelikula.”

Kasama rin sa movie sina Yesh Burce, Victor Anastacio at Lotlot de Leon. Unang napanood ang “Dito qt Doon” na may international title na “Here and There” sa 2021 Osaka Asian Film Festival last March.

Read more...