Angeline pangarap maka-graduate ng college; gustong magtayo ng resto sa Pangasinan

Angeline Quinto

KAPAG nagkaroon ng pagkakataon,  nais pa rin ng Kapamilya singer-actress na si Angeline Quinto na bumalik sa pag-aaral at makakuha ng college diploma.

Maganda na ang buhay ngayon ng biriterang singer ngunit nangangarap pa rin siya na makapagtapos ng pag-aaral kung mabibigyan ng chance. 

Ayon sa dalaga, isa raw sa mga hiling ng yumao niyang nanay na si Mama Bob noong nabubuhay pa ito ang makatapos siya ng pag-aaral at maging college graduate.

“Laging sinasabi ni Mama sa akin na kapag may pagkakataon, sana ituloy mo ‘yung pag-aaral mo,” kuwento ni Angeline sa chikahan nila ng celebrity doctor na si Vicki Belo.

Ayon sa dalaga, nasa fourth year high school na raw siya nang magdesisyong tumigil sa pag-aaral para maisakatuparan ang matagal niyang pangarap na maging isang sikat na singer at performer.

“Hindi ko natapos ‘yung pag-aaral ko kasi ‘yun ‘yung time na nakasali po ako ng Star Power (reality singing search ng ABS-CBN).

“E, nu’ng time po na nakikiusap ako doon sa school na tulungan ako para makahingi po ako ng mga excuse letter, kasi sa mga exams hindi na ako nakaka-attend, hindi naman po ako binigyan. 

“Pero ito ngayon na may chance po baka puwedeng makabalik ako sa pag-aaral ko,” chika pa ni Angeline na siyang itinanghal na grand winner sa “Star Power: Sharon’s Search for Next Female Pop Star” noong 2011.

Aniya pa, pangarap din daw niyang pumasok sa culinary school dahil talagang love na love rin niya ang pagluluto. 

“Kasi ‘yung ibang mga dreams ko pa talaga, bukod sa singing, ang goal ko magkaroon ako ng mga restaurant. Dahil nga mahal ko rin ang pagluluto. 

“So kapag natapos ko ‘yung high school ko, makapag-college ako, gusto ko po talagang makapag-culinary,” lahad pa ni Angeline.

Kung matatandaan, nabanggit din ng singer sa isang panayam na pangarap din niya ang makapagpatayo ng kahit maliit na reataurant sa Pangasinan kung saan ipinanganak at lumaki ang kanyang Mama Bob.

“Kasi siguro bukod dito sa Manila, dahil sa trabaho ko kaya ako laging nandito, pero parang sa Pangasinan siguro din talaga ako tatanda.

“Wala akong ibang mahal bukod sa pagkanta kundi ang pagluluto. So ‘yung dalawang ‘yon ang pinakapangarap ko talaga.

“Sinabi ko rin ito kay Mama Bob, noong buhay pa ang Mama Bob ko, na kung magkakaroon ako ng sariling restaurant gusto ko sa Pangasinan itatayo.

“Kasi doon ang hometown ng mama ko, doon siya ipinanganak at halos lahat ng alam kong lutuin ay sa Pangasinan din nangggaling,” dagdag pang chika ng Kapamilya star.

Read more...