Marco Gumabao at Sharon Cuneta
LAGING ipinagdarasal ni Megastar Sharon Cuneta na sana’y mabigyan pa siya ng maraming projects sa showbiz para mas marami pa siyang matulungan.
Ngunit kasabay ng kanyang hiling, ipinagdiinan din ni Mega na wala talaga siyang balak na pumasok sa mundo ng politika kahit na marami ang nang-eengganyo sa kanyang kumandidato.
Sa ginanap na virtual media conference ng Viva Films para sa pelikula niyang “Revirginized”, totoong nasa dugo ni Sharon ang pagiging public servant pero naniniwala siya na pwede pa rin naman siyang tumulong at maglingkod sa sambayang Filipino kahit wala siya sa posisyon.
“Sana marami pa akong projects, para marami pa akong magawa. Hindi naman kailangang tumakbo ko, wala akong balak tumakbo ha.
“Alam ko nasa dugo ko, pinakasalan ko pa. Pero ako mismo, personally, now, I can do so much in my platform. I can reach out to more people with my platform but I can only do so much unfortunately,” pahayag ni Sharon.
Kasunod nito, ipinagtanggol din ni Mega ang mga kapwa celebrities na bina-bash, binabastos at nilalait dahil sa pagsasalita at paninindigan ng mga ito sa iba’t ibang isyu sa mundo ng politika.
“Marami kaming mga artista na nila-lang, lang ng marami pero hindi nila alam na kami ‘yung lumalabas at marami kaming blessings.
“Marami rin na hindi artista na nakakaangat sa iba na tumutulong din. Hindi lang napag-uusapan. Kami na ang gumagawa ng paraan dahil kapwa tao natin ‘yon at kababayan.
“So ang dinadasal ko, gumanda ang Pilipinas. Kasi kahit immigrant ako sa America, I can’t imagine not retiring in the Philippines,” pahayag ng misis ni Sen. Kiko Pangilinan.
Samantala, umaasa rin si Mega na magkakaroon din ang bansa ng mga leader na totoong may puso para sa mahihirap at makapagsusulong sa mas maunlad na Pilipinas.
“Wala namang dumaang administrasyong perpekto, eh. But I just pray na every administration that’s leading the nation na sincere in truly helping the country move forward and for the poor to level up naman.
“And we’re able to do that with education or at least ‘yung mga vocational schools kasi a skill is something you can learn on. You don’t need to have a college degree, pagkakakitaan mo, eh. Kung meron lang sana makakapagbigay ng trabaho,” aniya pa.
Anyway, mapapanood na ngayon ang “Revirginized” nina Sharon at Marco Gumabao sa direksyon ni Darryl Yap, sa ktx.ph, iWantTFC, TFC IPTV, SKY PPV and Vivamax.