Maureen Wroblewitz at Kisses Delavin
AYAW paawat at mukhang hindi talaga magpapatalbog ang mga tagasuporta ng young actress na si Kisses Delavin.
Pagkatapos mag-number one sa headshot challenge ang dating “Pinoy Big Brother” housemate, muli siyang nanguna sa ikalawang round ng 2021 Miss Universe Philippines online challenge — ang video introduction.
Inilabas kahapon ng Miss Universe Philippines organization ang top 15 candidates na nakatanggap ng pinakamataas na boto mula sa mga netizens at dito nga muling umariba si Kisses.
Sa halip na gamitin ang kanyang screen name, nagpakilala ang dalaga sa buo niyang pangalan sa pagpapakilala bitbit ang kanyang hometown na Masbate.
“Hello, Universe! My name is Kirsten Danielle Delavin,” ani Kisses. Sa kanyang one-minute intro video, ibinahagi rin ng young actress ang ilang detalye sa kanyang personal na buhay.
Pasok din sa Top 15 ang social media personality na si Ayn Bernos at ang Asia’s Next Top Model winner na si Maureen Wroblewitz.
Kapansin-pansin sa kanyang video ang natural look ni Maureen habang ipinakikita ang pamatay niyang runway walk. Inilarawan pa niya ang sarili na “weird, clumsy, and awkward”.
Ang kumumpleto sa Top 5 ng video introduction challenge ay sina Steffi Aberasturi at Miss Supranational 2018 first runner-up Katrina Dimaranan.
Sa kanyang video, naikuwento ni Steffi ang pagiging online seller na nagsimula pa noong high school siya, “My friends call me queendera, queen plus tindera. I’ve been selling food, clothes, pajamas, skin care, and that is something I want to share to the Universe.”
Ang iba pang pumasok sa top 15 ay sina Miss Globe 2019 2nd runner-up Leren Bautista, Maria Corazon Abalos, Kamille Alyssa Quiñola, Noelyn Rose Campos at Cheri Angel Flejoles.
Magaganap ang Miss Universe Philippines 2021 coronation night sa Sept. 25 kung saan maglalaban-laban ang mapipiling 30 kandidata na magsa-shine sa mga virtual challenge ng pageant.
Ang magwawagi rito ang papalit sa trono ni Rabiya Mateo na siyang magiging representative ng Pilipinas sa 2021 Miss Universe pageant na gaganapin sa Israel sa darating na December.
May apat na Miss Universe na ang bansa, sina Gloria Diaz (1969), Margie Moran (1973), Pia Wurtzbach (2015) at Catriona Gray (2018).