John Prats mamamaalam na nga ba sa ‘FPJ’s Ang Probinsyano’?

MARAMI ang nagtatanong sa Kapamilya actor and director na si John Prats kung iiwan na ba nito ang teleseryeng “FPJ’s Ang Probinsyano” ngayong siya na ang bagong direktor ng “It’s Showtime”.

Ayon sa isang panayam sa actor-director, aminado itong hirap siyang balansehin ang oras niya hindi lang sa pag-arte at pagdidirek kundi pati na rin ang oras kasama ang kaniyang pamilya.

“It’s really hard. Siyempre I have to balance not just ‘Ang Probinsyano’ and ‘Showtime,’ but also my time for my family. Because, you know, may bunso pa ako na kaka-one year old lang. So hanggang may time pa ako, like now, I’m here at home, so I spend it with them talaga,” paliwanag nito.

Ngunit malaking tulong daw ang suportang nakukuha nito mula sa mga katrabaho tulad na lang ni Coco Martin.

Suportado kasi ni Coco na siyang creative head ng “FPJ’s Ang Probinsyano” ang kanyang mga hilig pati na ang pagdidirek nito.

“Ako sabi ko nga, sa buong journey ko rin sa pagdidirek, ibibigay ko rin sa matalik kong kaibigan, kay Coco… Nung dumating ‘yung time na kainitan ng pagdidirek ko sa concert, 2018 to 2019, may mga schedules ako na bumabangga sa ‘Probinsyano’. Pero ‘yung suporta sa akin ni Coco, bilang siya ‘yung creative head at siya ‘yung direktor ng ‘Probinsyano’, kapag may sinabi ako sa kanya, ‘Paps, kasi may schedule ako, babangga.’ ‘Walang ano ‘yun, sige, ako na bahala,'” pagbabahagi ni John.

“Sobra niyang suportado ‘yung pagdidirek ko, at nararamdaman ko ‘yun every time nag-uusap kami.

“Kung gaano siya ka-proud sa akin at kung gaano rin ako ka-proud sa kanya, kung ano ‘yung achievements niya. Kasi siya rin direktor, eh. Iba lang. Narrative lang pagdidirek niya, ako non-narrative. So natutuwa kami sa pagkakaibigan namin na parehas kami ng tinatahak. Magkaiba lang ng field na dini-direk but we have the same objective,” pagpapatuloy nito.

Ikinuwento rin niya kung paano sila nagtutulungan upang mas maging maganda at maayos ang pagdidirek nila.

Chika pa nito, sa tuwing may problema ito sa mga segment o tuwing mapag-uusapan nila ang “It’s Showtime”, nagsa-suggest raw si Coco. Ganon rin naman siya sa tuwing may problema sa story, nagpi-pitch siya kay Coco.

“Hindi ko naramdaman ‘yung hesitations from Coco dahil nagdi-direk ako. Talagang ramdam ko ‘yung pagmamahal niya at ‘yung suporta niya,” saad nito.

Sa ngayon, muling sasabak sa bagong lock-in taping ang cast ng “FPJ’s Ang Probinsyano” at pansamantalang magkakaroon ng ibang direktor ang “It’s Showtime” habang nasa lock-in taping si John na tinatayang tatagal ng tatlong linggo hanggang isang buwan.

Nang tanungin naman siya kung lilisanin na ng kanyang karakter ang teleserye matapos ang halos limang taong pamamalagi rito, ang sagot lang nito ay “Hindi ko pa… Wala pa naman sinasabing ganun.”

Read more...