MATAPOS maglabasan ang iba’t ibang incentives at pledges mula sa gobyerno at mga pribadong kumpanya dahil sa pagkapanalo ni Hidilyn Diaz ng gintong medalya para sa Pilipinas ay ang paglabas ng mga panawagan ng netizens kay Hidilyn pati na sa mga kasalukuyang atleta sa Tokyo 2020 Olympics.
Marami sa mga netizens ang tila concerned sa mga ito dahil sa bigla na lang pagbuhos ng suporta sa kanila matapos ang ginawang kasaysayan ni Hidilyn.
Isa na nga rito ay si Atty. Gideon Peña.
“Dear @diaz_hidilyn,
Please accept through a public document the pledges given by private corporations. Until then, their donations may be revoked and may be reduced to a mere marketing ploy. #LawOnDonation #KnowYourRights,” tweet nito.
Marami naman ang sumang-ayon sa abogado na siyang naging dahilan para maungkat ang nangyari noon kay Olympic Silver Medalist Monsueto “Onyok” Velasco na nanalo sa Atlanta Olympics taong 1996.
Natatakot ang mga ito na baka magaya ang mga atleta sa nangyari kay Onyok kung saan marami rin ang mga nangakong magbibigay suporta at pabuya ngunit napako rin nang tumagal.
Sa panayam naman ng Olympic Silver Medalist sa 24 oras, inilahad nito na hindi lahat ng mga naipangako sa kanya ay natanggap niya.
Hindi kasi nakarating sa boksingero ang ipinangakong P2.5 million ng Kongreso matapos ang kanyang pagkapanalo.
Ayon pa sa kanya, may isa ring negosyante ang nangako ng lifetime allowance na nagkakahalagang P10 thousand ngunit natigil rin makalipas ng isang taon.
Nangako rin daw ang Philippine Navy noon ng scholarship para sa dalawang anak pero walang nangyari.
“Hindi ko naman nakuha, hindi naman nila naibigay sa anak ko, so ‘yung kinita ko, pinondo ko sa pag-aaral nila,” pag-amin niya.
Iisa lang raw ang natupad sa mga pangako at ‘yun ay ang pagkakaloob sa kanya ng bahay at lupa ngunit wala naman itong titulo.
Nangangamba nga ito na bigla na lang palayasin dahil kasalukuyan silang naninirahan sa bahay at lupa na ibinigay sa kanya.
“Joke joke namin lagi, pinangakuan ka na, gusto mo pa tuparin pa. Dapat matuwa ka na kasi pinangakuan ka na eh,” biro ng Olympic medalist.
Ayon sa kanya, sana raw ay matupad lahat ng mga pangako sa mga atleta dahil isa ito sa mga rason kung bakit mas nagpupursige ang mga atleta para magpatuloy.
Ayon naman kay Spokesperson Harry Roque, titignan raw nila kung may magagawa ang kasalukuyang administrasyon para maibigay ang pangakong incentive kay Onyok na hindi nito natanggap noon.
“Napakahirap kasing mangako ng nakalipas na administrasyon. Pero unang-una po, ite-trace po natin kung kailan ‘yung effectivity na law na nagbibigay ng P10 million,” ani presidential spokesperson Harry Roque sa isang media briefing.
“Iche-check ko po. Ang aking masasasabi, iche-check po natin kung merong retroactive effect ‘yung P10 million na ibinibigay ng gobyerno, because I am not sure.”
Tinutukoy niya ang Republic Act 10699 o “National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act,” na siyang magbibigay ng milyun-milyong pabuya ngayon sa mga nagwaging atleta na sina Hidilyn Diaz, Nesthy Petecio, Eumir Marcial at Carlo Paalam.