Ex-PBB housemate Franzen Fajardo ayaw nang bumalik sa showbiz, masaya na sa bagong buhay


INAMIN ng dating “Pinoy Big Brother” housemate na si Franzen Fajardo na hindi niya kinaya ang pressure sa showbiz kaya nagdesisyon itong talikuran na lamang ito.

Sa interview kasama si Ogie Diaz, ikinuwento ni Franzen na hindi naging madali ang buhay niya.

Taong 2013 nga ng huminto ito sa pag-aartista ngunit nitong nakaraan raw ay nakakatanggap pa siya ng offer sa TV5 para sa show na “Lunch Out Loud” at sa isang show kasama si Billy Crawford.

“85% to 90% ‘yung parang puso ko, isip ko, ayaw ko na sa showbiz pero ‘yung 10-15% gusto pa,” saad niya.

“Hindi ko siya ginrab though yung asawa ko pero ako ayaw ko na,” pagpapatuloy niya.

Tinanong ni Ogie kung ano ang dahilan bakit ayaw na niyang magbalik sa mundo ng showbiz, kung may pangyayari ba na na-frustrate ito o na-disappoint pero ayon kay Franzen, mahiyain raw kasi talaga siya bago pa siya pumasok sa “Pinoy Big Brother”.

“Kaya lang siguro noong time na ‘yun kaya kumapal ‘yung mukha ko, syempre kailangan. Wala kang pera, eh.

“Tapos noong medyo naging okay, parang naging mahiyain ako ulit. Hindi ko na malabanan’pag nasa harap ako ng kamera,” pag-amin niya.

Kahit wala na sa showbiz, may koneksyon pa rin siya sa mga artistang nakasama pati na rin ang iba pang nakasamang housemates sa Bahay ni Kuya.

Amin pa niya, dumating rin daw siya sa puntong kinapos siya sa buhay. Naloko pa nga siya ng ka-deal niya noong magpunta siya sa ibang bansa. Mabuti na nga lang daw ay nakapagpundar siya ng lupa, sasakyan, at bahay mula sa mga kinikita noong nasa showbiz pa siya.

Kuwento pa niya, mabuti raw ay nakinig siya sa kanyang ina na huwag ibenta ang mga properties niya noong walang-wala siya dahil isa ‘yun sa mga magagandang desisyon niya sa buhay.

Amin rin niya, sa showbiz niya natutunan ang iba’t ibang bisyo tulad ng pagtikim ng droga, alak, pati na rin ang pangbababae.

Tinanong rin siya tungkol sa naging isyu niya sa dating asawa na kinasuhan niya noon.

Ayon sa kanya, binawi niya na ang kaso.

“Biglaang galit kasi ‘yun, biglang sama ng loob kaya siguro nakapagsalita ako ng mga ganon. Pero siyempre tumatanda ka na, naisip-isip ko parang mali, eh. Kasi kahit anong pagkakamali niya, magulang pa rin siya ng mga anak ko,” sagot niya.

Sa ngayon ay okay na sila ng dating asawa niya at napatawad na niya ito. Nag-uusap na raw sila para sa kanilang anak.

Mayroon na rin raw sariling pamilya ang asawa nito at kasa-kasama ang kanilang mga anak.

Hindi naman kinakalimutan ni Franzen ang mga responsibilidad bilang ama at patuloy na nagbibigay ng suporta sa mga anak. Palagi raw nitong sinisigurado na may paramdam ito sa mga anak.

Sa ngayon, abala si Franzen sa pagma-manage ng kanilang beauty salon sa Bulacan kasama ang bagong asawa. Hands on ito sa kanilang business kung saan siya mismo ang nagkukulay, naggugupit, at nagre-rebond sa mga babaeng customers.

Ayon pa sa kanya, kinikita niya sa kanilang salon ang kinikita niya noon sa showbiz.

Read more...