Hiling ng fans, pakasalan na sana ni Ion Perez si Vice Ganda

Vice Ganda at Ion Perez

KASAL na lang daw ang kulang sa pagsasama ng Kapamilya celebrity couple na sina Vice Ganda at Ion Perez.

Marami ang nagwi-wish na sana’y pakasalan na raw ni Ion ang Phenomenal Box-Office Star dahil kitang-kita naman ang sobrang pagmamahal nila sa isa’t isa.

Magtatatlong na ang relasyon ng dalawa at base sa reaksyon at mga comment ng madlang pipol, napatunayan na ng hunk model-actor na tunay ang pagmamahal niya kay Vice at hindi pera-pera lang.

Muli ngang pinakilig ng magdyowa ang mga fans sa kani-kanilang paandar sa Instagram. Ibinandera ni Vice sa kanyang Instagram followers ang nakakakilig na sweet moments nila ni Ion nang magbakasyon sila sa isang beach resort.

Pinusuan at umani ng libu-libong likes at comments ang video nila habang nasa duyan na matatagpuan sa mismong beach. Maririnig sa background ang kanta ng Nobita na “Ikaw Lang.”

“Tumingin ka sa aking mga mata

“At hindi mo na kailangan pang

“Magtanong nang paulit-ulit

“Ikaw lang ang iniibig

“At kung ‘di kumbinsido’y magtiwala ka,” ang ilang bahagi ng lyrics ng kanta.

Ani Vice sa caption, “Look, we are so beautiful. Normalize seeing a love story that’s different from yours.”

Nag-comment naman si Ion sa IG post ni Vice, “@praybeytbenjamin ayaw pakabog babe? (grinning face with smiling eyes, heart emojis).”

Reply ni Vice sa binata, “@pereziion27 napressure ka babe?! Hahaha!”

Nauna na kasing nag-post si Ion ng sexy back photo ni Vice sa IG nang hindi alam ng komedyante kaya nagkaasaran ang dalawa.

* * *

Kahit mahigit isang buwan pa lang sa ere, marami nang nabigyan ng saya at tulong ang “Everybody, Sing!” at ang host nitong si Vice Ganda. 

Nangunguna na riyan ang mga songbayanan na community pantry volunteers, massage therapists, at teachers na nanalo ng jackpot prize na P500,000 sa community singing game show ng ABS-CBN. 

Isa sa mga pinalad ang gurong si Rex Dayao mula sa Malolos, Bulacan, na isang solid Kapamilya. Kwento ni Rex, ginamit niya ang cash prize para ipambayad sa kanyang bahay.  

“Nais kong manatili sa aking alaala ang pagsali sa ‘Everybody, Sing!,’ kung kaya ipinambayad ko sa bahay ang lahat ng aking napanalunan. Sa gayon, bawat pagkakataon ay maaalala ko na bahagi na ng aking bahay at buhay ang ‘Everybody, Sing,’” aniya.

Lubos din ang paghanga ni Rex sa host na si Vice Ganda. Aniya, “Nasaksihan namin na tunay yang kaniyang ngiti habang kami ay nagtatagumpay. May interes ang bawat tanong, may dunong ang bawat pakikipagtalastasan. Walang sandal na hindi kami tumawa at humikbi dahil ramdam ng aming puso ang tunay na malasakit ni Vice sa aming mga guro.” 

Pagbabahagi ni Rex, hindi nila pinapalampas na mapanood ang game show ni Vice, na napapanood sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, iWantTFC, at TFC. Ito raw ang nagsisilbing weekend bonding nilang mag-asawa dahil sa nakakaaliw na format at garantiya na walang uuwing luhaan. 

Samantala noong nagdaang weekend (Hulyo 24 at 25), hindi man nakuha ang jackpot prize ng songbayanan ng street food vendors at extras at talents, naging masaya pa rin ang kanilang karanasan sa game show, kung saan nag-uwi sila ng P35,000 at P30,000 sa jackpot round bukod sa mga nakuhang premyo sa naunang rounds. 

Kaabang-abang naman ang bagong game category sa “Everybody, Sing” na “lipsing,” na papahulaan ang lyrics ng kanta sa pamamagitan ng pag lip-read ng songbayanan sa ipakikitang video ng labi.

Read more...