Target ni Tulfo by Mon Tulfo
HUWAG daw gamitin ng kampo ni Manny Villar ang pagbanggit ni Baby James sa kanyang pangalan noong campaign sortie nito sa Bacolod, sabi ng kanyang close rival, Noynoy Aquino, pagka-Pangulo.
Nang nasa entablado kasi si Baby James na karga-karga ng kanyang inang si Kris Aquino, bigla na lang sumigaw ang paslit ng “Villar, Villar!” na ikinatuwa ng mga nanonood.
Si Baby James ay anak ni Kris sa basketbolistang James Yap.
Wala akong kinakampihan sa dalawa—Manny o Noynoy dahil ang aking iboboto ay si Dick Gordon—pero sino ba talaga ang gumagamit kay Baby James?
The fact na dinadala ni Kris si Baby James sa kampanya, hindi ba lantarang ginagamit na ang bata sa kampanya para kay Noynoy?
Kung nagpasalamat man si Villar kay Baby James dahil sa hindi inaasahang pagbanggit ng kanyang pangalan, dala ng kagandahang asal.
Ang pagbibigay ng pasasalamat ay tanda ng kagandahang asal.
Bakit naman magagalit si Noynoy sa pasasalamat ni Villar kay Baby James at sabihin niyang huwag gamitin ang kanyang pamangkin?
Sino ba ang gumagamit kay Baby James sa kampanya?
* * *
Dapat itigil na ng mga politiko ang paggamit ng mga batang musmos sa kanilang kandidatura.
Pareho lang silang dalawa nina Noynoy at Villar: gumagamit sila ng mga bata upang iusad ang kanilang kandidatura.
Si Villar naman ay gumamit ng mga bata sa kanyang commercial sa radyo at telebisyon. Tinig at larawan ng mga bata ang kumakanta ng campaign jingle ni Villar.
* * *
Sinabi ng Supreme Court na puwedeng tumakbo ang Ladlad, party list ng mga bakla at tomboy, sa darating na halalan.
Pinagbawalan kasi ng Commission on Elections ang Ladlad dahil ito raw ay immoral, kaya’t dumulog ang Ladlad sa Korte Suprema.
Sumasang-ayon ako sa sinabi ng Supreme Court na lehitimo na adhikain ng Ladlad na ipagtanggol ang karapatan ng mga bakla at tomboy.
Pero anong ipagtatanggol na karapatan, samantalang ang karapatan ng mga bakla at tomboy ay pareho lang sa buong sambayanan?
Ano’ng pinag-iba ng bakla o tomboy sa “normal” na tao?
Di naman sila inaapi, bagkus ay tinotolera naman ng lipunan ang mga kaetsusan ng bakla at tomboy kapag sila ay nagpaparada sa kalye?
Meron pa ngang mga paligsahan ng pagandahan ng mga bakla na nagsusuot ng damit pambabae, at hindi naman sila binabato.
Tuwang-tuwa pa nga ang mga tao sa mga bakla na nagkakaroon ng kanilang bersyon ng Flores de Mayo.
Ibig sabihin ay tanggap na ng lipunan ang mga bakla at tomboy.
Maraming bading at tomboy sa showbiz na pinangangalandakan ang kanilang kasarian, pero normal naman ang turing sa kanila.
Meron pa ngang well-known showbiz personality na lantad ang pagsasama sa kapwa niya lalaki at ipinagmamayabang pa niya ito.
Bakit pa kailangang magkaroon ng party list ng mga bading at T-bird?
Ah, alam ko na kung bakit gusto nila ng representation sa Kongreso: Upang iusad ang same-sex marriage.
Sa aking palagay, hindi papayag ang taumbayan na ikasal ang lalaki sa lalaki at babae sa babae.
Hindi pa handa ang ating lipunan sa ganoong sistema. Gusto pa rin ng mga Pinoy na ang babae ay para sa lalaki at ang lalaki ay para sa babae.
Baka tamaan tayo ng kidlat kapag ipapakasal natin ang babae sa babae at lalaki sa lalaki.
Ano yan espadahan at pompiyangan?
Sa aking abang opinyon, hindi mananalo ang party list na Ladlad dahil kakaunti pa lang ang mga bakla at tomboy sa bansa.
* * *
Bago ko nabasa ang dahilan kung bakit inalisan ng korona si Maria Venus Raj bilang Binibining Pilipinas 2010, isa ako sa mga nagalit sa pagkaka-dethrone sa kanya.
Pero nang mabasa ko ang panig ng Binibining Pilipinas Charities Inc. (BPCI), hindi na ako kikibo.
Paiba-iba ang statements na ibinigay ni Raj sa kanyang bio-data sa BPCI.
Halimbawa, sinabi ng kanyang birth certificate na siya’y napanganak sa Bato, Camarines Sur noong July 7, 1988.
Pero sa interview sa kanya, sinabi niya na siya’y napanganak sa Doha, Qatar.
Sinabi ng birth certificate na ang tatay niya ay Filipino at ang relihiyon ay Roman Catholic.
Pero sa interview, sinabi niya na ang kanyang tatay ay Indian at di niya alam ang relihiyon.
Bandera, 041210