MULING maghahatid ng saya sa ating mga puso ang mga bagong kasal na sina KZ Tandingan at TJ Monterde sa pinakabago nitong mga kanta na pinamagatang “Dodong” at “Inday”.
Ayon kay KZ, alay raw niya ang kantang isinulat sa kanyang nobyo na ngayon ay asawa na niya.
“Isinulat ko ang ‘Dodong’ two years ago. First time kong sumulat ng Bisaya lullaby pero ‘di ko naisip na i-release ito. Kanta ito para kay TJ na pwede niyang pakinggan kapag nahihirapan siyang makatulog,” ani KZ.
Pag-amin pa ng Kapamilya singer, wala raw siyang kabalak-balak na isapubliko ang kantang ito dahil masyado itong personal para sa kanya.
“It’s like me singing a love letter to the one I love. As in literal na kapag pinakinggan mo siya, it’s very specific na sa kanya (TJ),” pahayag ng Kapamilya singer.
Ngunit napilit siya ni TJ na i-release ang kanta nang sinabi nito na gagawa siya ng kanta at ang title ay “Inday”.
Ayon naman kay TJ, tungkol sa reassurance ang kantang “Inday”.
Mayroong linya sa kanta na “Imoha ra ko” kung saan ang ibig sabihin sa Tagalog ay “Sa’yo lang ako” na halos sampung beses niyang inulit sa kanta.
Napansin raw kasi niya na halos marami sa mga kababaihan ang mahilig magtanong kung mahal ba ito ng ka-relasyon kaya ang kantang ito raw ay reassurance ng kanyang pagmamahal para sa kanyang Inday na si KZ.
Parte ang “Dodong” at “Inday” ng “Simula” playlist na available na sa YouTube channel ng Star Music.
Kasama rin ang kantang “Can’t Wait To Say I Do,” na inilabas ng mag-asawa matapos silang ikasal noong 2020 pati na rin ang “Simula”.
Pakinggan ang kwentong pag-ibig na hatid ng “Dodong” at “Inday” at panoorin ang “Simula” playlist sa YouTube. Para sa iba pang detalye, i-like ang Star Music sa Facebook (www.facebook.com/starmusicph) at sundan ito sa Twitter at Instagram (@StarMusicPH).