Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. UP vs UST
4 p.m. FEU vs Adamson
Team Standings: NU (9-3); FEU (8-4); La Salle (8-4); Ateneo (6-5); UST (6-5); UE (5-6); Adamson (4-8); UP (0-11)
PALALAKASIN pa ng Far Eastern University ang paghahabol sa puwesto sa Final Four sa pagharap sa Adamson University sa 76th UAAP men’s basketball ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ikasiyam na panalo ang masusuwag ng Tamaraws kung padapain ang Falcons sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon upang matiyak na rin ang playoff para sa puwesto sa semifinals.
Galing sa double-overtime na pagkatalo ang tropa ni FEU coach Nash Racela sa kamay ng University of Santo Tomas, 79-78, para maibigay sa National University (9-3) ang liderato at makasalo ang La Salle sa pangalawang puwesto sa 8-4 karta.
Sa unang laro sa ganap na alas-2 ng hapon ay magkikita ang UST at University of the Philippines na kung saan patok ang Growling Tigers na napagbuti ang kasalukuyang 6-5 karta.
Sakaling manalo ang UST, masosolo nila ang mahalagang ikaapat na puwesto na ngayon ay pinagsasaluhan nila ng nagdedepensang kampeon Ateneo.
Sina Terrence Romeo at RR Garcia ang mga gagawa uli para sa Tamaraws ngunit dapat na matikas na laro ang matunghayan sa mga big men nito dahil hindi nila magagamit si Anthony Hargrove na suspindido sa laban matapos tawagan ng unsportsmanlike foul sa laro kontra sa Tigers.