ISANG malaking pasabog ang naisiwalat sa isang vlog ni Ogie Diaz matapos mabanggit ang isyu sa pagitan nina Daniel Padilla at Dominic Roque.
Nabigla ang talent manager turned vlogger nang malamang may alitan raw ang dalawa.
Parte sina Dominic at Daniel ng Nguya Squad kasama sina Kathryn Bernardo, Ria Atayde, Marco Gumabao, Khalil Ramos, Gabbi Garcia, Joe Vargas, Bianca Yanga, Patrick Sugui, at Aeriel Garcia.
Matatandaan na kasalukuyang nasa America si Dominic kasama ang rumored girlfriend na si Bea Alonzo.
Pero bago pa man ang paglipad nito sa ibang bansa, hindi na nga active si Dominic sa mga ganap ng barkada nila gaya na lang ng surprise yacht party ng grupo para sa newly-engaged na sina Patrick at Aeriel.
Chika ni Mama Loi na kasama ni Ogie sa vlog, inunfollow raw ni DJ at Dominic ang isa’t-isa sa Instagram.
“Paki-check mo ‘yan, ah. Baka hindi naman. I-verify mo muna,” sabi naman ni Ogie sabay tanong kung anong rason bakit nag-unfollow sa Instagram ang isa’t-isa.
Kuwento pa ni Mama Loi, nabalitaan raw nila na may kaugnayan ito sa relasyon ni Dominic at Bea.
“Anong connect? Magkaibigan naman sila,” di pa ring makapaniwalang saad ni Ogie.
Wala pang kumpirmasyon kung totoo nga ito ngunit nang i-check namin ang kanilang IG account, hindi nga naka-follow ang dalawa sa isa’t-isa.
Bukas naman ang Bandera para sa kanilang pahayag tungkol sa isyu na ito.
Matatandaang isa si Dominic Roque sa mga itinuturing na kapatid ni Daniel Padilla sa industriya. Sabay kasi itong sumabak sa mundo ng showbiz at nagkasama na rin sa ilang mga proyekto gaya ng “Pagpag” noong taong 2013.
Nabansagan nga rin siyang ‘Pambansang third wheel’ dahil laging kasa-kasama ito sa mga dates ng KathNiel pati na rin ng iba pang couples ng Nguya Squad.