Wish nina Ken at Sanya natupad na; ‘Ang Dalawang Ikaw’ ng RitKen tuloy ang paghataw

SA wakas, natupad na rin ang isa sa mga pangarap noon ng mga Kapuso stars na sina Sanya Lopez at Ken Chan.

Magtatambal ang dalawa sa pinakabagong programa ng Kapuso Network, ang “GMA Regal Studio Presents” na magsisimula na ngayong September.

Unang nagkasama sina Ken at Sanya noong pareho pa lang silang nagsisimula sa showbiz sa late night show ng GMA na “Walang Tulugan” hosted by the late German “Kuya Germs” Moreno.

At sa ilang taon na nila sa showbiz, ngayon lang sila mabibigyan ng chance na magbida sa isang project together na anila’y matagal na nilang inaasam-asam.

Sila ang napiling magbida sa isang episode ng “GMA Regal Studio Presents” titled “That Thin Line Between.”

Sa kanyang Instagram account, nag-share si Ken ng isang litrato na kuha sa unang taping nila ni Sanya na may caption na, “We’re shooting the first ever episode of GMA Regal Studio Presents.”

Matatandaang nabanggit noon ng dalawa sa kanilang panayam na crush talaga nila ang isa’t isa mula nang magsama sila sa “Walang Tulugan.”

“‘Yung crush ko po inamin ko po kay Ken Chan ‘yun. Sobrang approachable po kasi ni Ken Chan, sabi ko ang bait naman ni Ken,” ani Sanya.

Sabi naman ng lead star ng Kapuso afternoon series na “Ang Dalawang Ikaw”, “Kung ako po ang tatanungin, kay Sanya din po ako napukaw noon.”

“Magkatabi kami lagi ni Sanya sa Walang Tulugan noon tapos may mga artista, mga GMA 7 artists ang nagge-guest.

“Sabi namin ni Sanya, kaming dalawa, ‘Hay Sanya, kailan kaya tayo magiging ganyan?’ Tapos sabi ni Sanya sa akin, ‘Oo nga no, hintayin na lang natin,” sabi ni Ken.

Samantala, tuloy naman ang paghataw ng serye nina Ken at Rita Daniela na “Ang Dalawang Ikaw” sa GMA Afternoon Prime block kasabay ng pagbuhos ng papuri at positive feedbacks mula sa manonood.

Habang tumatagal kasi ay mas lalo pang nagiging exciting ang kuwento ng serye, lalo na ngayong kanya-kanyang paandar at patalbugan na ang mga karakter nina Rita at Anna Vicente para makuha ang atensyon ni Ken.

Ayon kina Rita, Anna at Ken, napakarami pang twists and turns na mangyayari sa kuwento ng “Ang Dalawang Ikaw” na siguradong ikagugulat ng lahat kaya tutukan daw ang bawat episode araw-araw.

Samantala, simula ngayong Lunes, Aug. 2, mapapanood na ang seryeng “Ang Dalawang Ikaw” tuwing 3:25 ng hapon pagkatapos ng “Nagbabagang Luha.”

Read more...