NAGING madamdamin at emosyonal ang selebrasyon ng 42nd anniversary ng “Eat Bulaga” nitong weekend kung saan muli ngang nagkasama-sama ang iconic trio nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon.
After more than 500 days o mahigit isang taong hindi pagkikita-kita nang personal sa “Eat Bulaga”, muli ngang nag-reunion sina Tito, Vic & Joey para sa live episode ng show sa APT Studios.
Nakasama rin nila sa studio sina Ryan Agoncillo, Pauleen Luna, Paolo Ballesteros at Maine Mendoza while the rest of the Dabarkads ay Team Bahay muna kabilang na sina Alden Richards, Wally Bayola at Jose Manalo.
In fairness, nakiiyak din ang mga legit Dabarkads na naki-celebrate sa mahigit apat na dekadang pambubulaga ng award-winning at longest-running noontime show sa bansa.
Sabi nga ng mga loyal viewers ng “Eat Bulaga”, feel na feel nila ang pagiging bahagi ng programa habang pinanonood ang anniversary episode ng show dahil talagang naging bahagi na ng kanilang buhay ang mga Dabarkads.
Sa isang bahagi nga ng programa, hindi rin napigilan ng manonood ang mapaiyak nang maluha-luhang nagpasalamat si Bossing Vic sa milyun-milyong loyal Dabarkads.
“E, kasi naman sa bawat yugto ng aming buhay bilang ama, bilang asawa, bilang Enteng Kabisote, Starzan, bilang Senator.
“Salamat! Salamat sa inyo Dabarkads dahil tinanggap at pinagkatiwalaan n’yo kami bilang Dabarkads n’yo ng maraming taon at sa mga darating pang panahon,” mensahe ng veteran comedian at TV host.
Kasunod nito, ibinandera rin ni Vic ang kanyang 100% support sa kapatid na si Senate President Tito Sotto sa mga susunod nitong plano bilang public servant.
“Si Tito Sen mula naman noon, saan ka man dalhin ng iyong kapalaran nandito pa rin kami at ano man ang sunod pang nakatadhana sa ‘yo nasa likod mo ang buong Eat Bulaga,” sey ni Bossing.
Maluha-luha namang reaksyon ni Tito Sen sa sinabi ni Bossing, “Ang lakas ko na naman e, at ang lakas ng loob ko, e, nanggagaling sa inyo, Eat Bulaga at pagmamahal ng mga kababayan natin.
“Iba-iba ang daang tinatahak — mahirap, masaya, malungkot, mapanghusga pero bawal sumuko, bawal umayaw, tuloy lang tayo sa paghahatid ng isang libo’t isang tuwa at pag-asa saan man ako makarating,” mensahe pa ng senador.