KUNG si Daniel Padilla ang tatanungin, pabor siya sa mga nagsa-suggest na tanggalin na lang ang “like” button sa mga social media platforms.
Aminado ang boyfriend ni Kathryn Bernardo na hindi talaga siya aktibo sa paggamit ng socmed, pero tina-try niyang mag-post sa Instagram every now and then para magbigay ng updates sa kanyang mga tagasuporta.
Ayon kay DJ, “I post sa Instagram just to update them (mga fans). Minsan napapatagal, pero I post siyempre.
“Nakakahiya rin naman sa kanila dahil cannot be found na naman ako,” ang pahayag ng binata sa The Purple Chair Interview vlog ni Boy Abunda sa YouTube.
Dito, nabanggit ng Kapamilya actor na dismayado rin siya sa paraan ng paggamit ng karamihan sa iba’t ibang platforms ng socmed. Inihalimbawa pa niya si Kathryn bilang isang responsible social media user.
“Si Kathryn ang pinakamagandang example, kung paano siya magtrabaho, the ethics ng… natural na natural.
“Sa akin, it’s not natural. Hindi ko kaya, nahihirapan ako. Pero sa iba ko na lang siya ginagawa. Yung mga streaming, hindi ko talaga kaya,” aniya pa.
Nalulungkot din siya sa katotohanan na karamihan ngayon sa mga Filipino ay tila umiikot na lang ang buhay sa social media. Feeling niya, maaaring isa ito sa mga rason kung bakit may mga dumaranas ng mental health problems.
“For me, because it’s too much information for us. May mga bagay tayo na nakikita, nababasa, na sa totoong buhay, hindi na dapat natin ito alam,” saad ni DJ.
Nabanggit din ni Daniel sinabi basketball player na si Kobe Paras na sana raw ay maalis na ang bilang ng mga like at followers sa socmed.
“Ayokong maging negative person. Sana lang maging responsible tayo. Like, sa likes, sinabi ‘yan ni Kobe Paras, ang galing ni Kobe Paras, sinabi niya na sana sa Instagram o anumang social media platforms, sana alisin na yung bilang ng likes.
“Pangalawa, the counts of your followers. Kapag inalis mo kasi ‘yon, magbabago rin ang tema ng lahat. Mag-iiba. Pero hindi na ito kumpitensiya ng…
“The problem is in the industry, kailangan nila yung mga numero na ‘yon. Ang hirap ibalanse,” lahad pa ng singer-actor.
Samantala, kinumpirma rin ni Daniel na muli silang gagawa ng teleserye ni Kathryn at meron din silang bagong pelikula under Star Cinema.
Bukod dito, super happy din ang binata dahil ang pelikula nila ni Charo Santos-Concio na “Kun Maupay Man It Panahon (Whether the Weather is Fine)” ay magiging official entry ng Pilipinas sa 74th Locarno Film Festival ng Switzerland na magaganap mula Aug. 1 hanggang Aug. 14.
Ito’y idinirek ni Carlo Francisco Manatad kung saan ginagampanan nina Daniel at Charo ang papel ng mag-ina na biktima ng Bagyong Yolanda sa Tacloban noong November, 2013.