Tito, Vic at Joey muling nagsama para sa 42nd birthday ng ‘Eat Bulaga’


MAKALIPAS ng 500 days, muling nagsama-sama sila Tito, Vic, at Joey sa APT Productions para i-celebrate ang 42nd birthday ng Eat Bulaga.

Mahigit apat na dekada na ngang walang sawa sa pagbibigay saya at pag-asa sa bawat dabarkads ang award-winning noontime show.

Present rin naman sa birthday party sina Maine Mendoza, Paolo Ballesteros, Ryan Agoncillo, at Pauline Luna.

Hindi man present physically, naki-party rin sila Jose Manalo, Wally Bayola, Jimmy Santos, Pia Guanio, Allan K, Ryza Mae Dizon, at Alden Richards.

Biro pa nga ni Bossing Vic, muntik pang hindi matuloy ang kanilang selebrasyon dahil sa possibleng paghihigpit ng IATF protocols dahil sa pagkalat ng COVID-19 Delta variant.

“Gusto lang naming gamitin ang araw na ito para magpasalamat dahil anuman ang ating pinagdaanan, pinagdaraanan, at pagdaraanan, nandyan pa rin kayo, nakikitawa, nakikichika, nakiki-iyak, nakikisayaw, at nakiki-kanta,” mensahe ni Vic.

Nagpasalamat rin ang mga ito sa GMA sa pagbibigay tahanan sa kanila at sa lahat ng mga nakasama nito mula noon hanggang ngayon.

Hiling naman nila, sana ay matapos na ang pandemic at makapagsimula nang muli ang lahat nang malusog kasama ang mahal sa buhay.

Bilang parte ng selebrasyon, namigay ang mga ito ng sandamakmak na cash prizes at surprises para sa mga legit dabarkads ng mga ito.

Nagbaliktanaw naman ang TVJ sa mga pangyayari sa kanila sa halos 42 years.

Nagkantyawan pa nga ito tungkol sa kanilang edad noong magsimula sila sa Eat Bulaga.

“Kahit magkaiba na ang ikot ng mundo o ang buhay na ating tinatahak, at paghiwalayin man ng lockdown, siguradong may uuwian ang mga dabarkads natin,” sabi naman ni Joey.

Tila naiyak naman si Bossing nang magbigay ng mensahe.

“Kasi naman, sa bawat yugto ng aming buhay bilang ama, asawa, Enteng Kabisote, Starzan, senador (kasama na kayo). Salamat sa inyo dabarkads dahil tinanggap at pinagkatiwalaan n’yo kami bilang dabarkads n’yo sa maraming panahon at sa mga darating pang panahon,” ani Vic.

“Iba-iba ang daang tinatahak. Mahirap, masaya, malungkot, mapanghusga, pero bawal sumuko. Bawal umayaw. Tuloy lang tayo sa paghahatid ng isang libo’t isang tuwa at pag-asa saan man ako makarating,” naiiyak na saad naman ni Tito.

Tunay nga namang naging parte na ng bawat tanghalian ng bawat Pinoy ang Eat Bulaga.

Sa pagtatapos nga ay muling nagpasalamat ang mga ito sa walang sawang suporta na kanilang natatanggap.

Naniniwala ang mga ito na hangga’t may tao sa bahay na handang tumawa, makinig, makipagbayanihan ay mananatili ang Eat Bulaga.

Read more...