Hidilyn handa nang mag-asawa at magka-baby matapos magkampeon sa Tokyo Olympics?

HANDANG-HANDA nang sumagot ng “yes” ang Olympic gold medalist na si Hidilyn Diaz sakaling mag-propose na sa kanya ang boyfriend-coach na si Julius Naranjo.

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang bagong bayani ng Pilipinas na gumawa ng kasaysayan sa Tokyo 2020 Olympic Games nang matanong tungkol sa estado ng  kanyang lovelife.

Aniya, handa na siya anumang oras sakaling yayain na siya ni Julius na magpakasal at bumuo ng sarili nilang pamilya.

“Para sa akin si Julius na lang ang tatanungin niyo. Kasi ako ready naman ako,” ang nakangiting pahayag ni Hidilyn sa programang “Sakto” nang matanong kung ready na ba siyang lumagay sa tahimik.

Sa mga hindi pa aware, si Julius ay isang Filipino-Japanese weightlifter na nakilala ni Hidilyn nang lumaban siya sa kompetisyon sa Turkmenistan taong 2017.

Diretsahang sinabi ni Hidilyn sa panayam ng “Magandang Buhay” noong 2019 na ready na siyang magkaroon ng sariling pamilya kqpag natupad na niya ang kanyang ultimate dream, ito nga ang makapag-uwi ng gintong medalya bilang weightlifter para sa Pilipinas.

“Yun po talaga ang gusto ko after na sana makuha ko, kini-claim ko na makuha ang gold sa Olympics. After that magkakaroon ng baby, mag-settle. Then kailangan ko rin makapagtapos ng pag-aaral,” ang naging pahayag ni Hidilyn bago pa siya lumaban sa Tokyo Olympics.

Nagpasalamat din siya sa kanyang coach at boyfriend dahil grabe rin ang hirap at sakripisyo nito sa kanilang training at alam daw ng binata na nitong mga nakaraang taon ay weightlifting talaga ang priority niya.

“Masyado kasi akong focused. Alam niya na ang priority ko ngayon ay weightlifting talaga. So suwerte ako na nandiyan siya sumusuporta,” sabi ni Hidilyn sa isa pang hiwalay na panayam.

“Siya ginagawa niya nang maayos ang trabaho niya. Ako gusto ko mag-perform ng maayos. So nagki-click pagdating sa training,” dagdag pa ng Pinay Olympic gold medalist.

Mensahe naman ni Julius kay Hidilyn sa nasabing interview, “I promise to continue to support you even after Tokyo 2020 if you decide to continue.” 

Read more...