Ilang araw nang hindi napapanood ngayon sa Eat Bulaga si Wally Bayola. Bigay na bigay na para sa marami ang dahilan, tinanggal muna siya ng pamunuan ng noontime show, dahil sa kinapalooban niyang sex video kasama ang isang dancer.
Sa mga umpukan ngayon kahit saan ay madalas na magbida si Wally Bayola, hindi kasi siya ang inaasahan ng mga kababayan natin na makaladkad ang pangalan sa mga ganitong senaryo, si Jose Manalo pa nga ang mas kapani-paniwala para sa kanila na matampok sa mga ganitong usapin dahil sa pinagdaanan nitong isyu nu’ng nakaraang taon.
Pero nilinaw ng mga taga-Eat Bulaga na hindi tinanggal sa show si Wally, ang komedyante ang kusang lumiban muna sa programa dahil makakaladkad nga naman ang pangalan ng show, sakaling nakikita pa rin siya du’n hanggang ngayon.
Hindi rin kinunsinti ng produksiyon ang nangyari, pinagalitan si Wally ng kanyang mga boss sa noontime show, dahil du’n ay ang komedyante na ang kusang lumayo para hindi madamay ang Eat Bulaga sa pinagpipistahan niyang video hanggang ngayon.
Magaling na komedyante si Wally, mabait siya sa kanyang mga katrabaho kahit sa mga comedy bar na sinasampahan niya, pero kailangang ihiwalay natin sa pagkatao niya ang iskandalong ito na hindi maganda sa panlasa.
Harinawang mag-ingat na ngayon ang mga artistang sa halip na makipag-ulayaw sa isang pribadong lugar ay mas gusto pa yatang ipagbuyangyangan ang kanilang seksuwal na gawain sa publiko.
Napakarami nang napahiya nang dahil sa sex video, maraming buhay na ang nawasak nang dahil du’n, kaya maging leksiyon na sana para sa kanila ang mga naunang kahihiyang kinapalooban ng malalaking pangalan sa industriya ng pelikula, telebisyon at musika.
Sana naman. Wala na sanang personalidad na nagtatago ngayon ng kanilang pakikipagniig na kinukunan nila ng video.