YouTube channel ni Marcelito Pomoy na-hack: Shame on those people doing this!

MALUNGKOT ang world-known singer na si Marcelito Pomoy matapos mapag-alaman na na-hack ang kanyang YouTube channel.

Nitong July 27 nang mabuking ng “doble-kara” performer na nabiktima siya ng sindikato sa internet na nangha-hack ng mga social media accounts ng mga celebrities.

Ipinost ng singer ang screenshot ng kanyang YouTube channel kung saan may nagla-live na ibang user.

“My Youtube channel has been HACKED! Shame on those people doing this… huhuhu… soooo sad (crying emoticon),” caption nito.

At nito ngang July 28, muli siyang nag-post ng screenshot ng natanggap niyang mensahe mula sa YouTube.

Ayon sa ipinadalang liham sa kanya, tinanggal na raw ng YouTube ang kaniyang channel dahil lumabag ito sa community guidelines. Ito ay nangyari matapos ma-hack ang kanyang account.

Nanawagan naman ang singer kung paano niya mako-contact ang YouTube para masolusyunan ang nangyayari.

Giit pa ng singer, nakaka-frustrate raw ang mga ganap at sana raw may makatulong sa kanya na nakaranas rin ng parehas na pangyayari.

May ilang supporters naman ang nag-comment at nagsabi na pupuwede pa naman daw itong ma-recover. Kailangan lang raw niyang mag-file ng appeal to dispute banned content at patunayan na na-hack lang ang kanyang account.

Hindi ito ang unang pagkakataon na may mga celebrities at vloggers na nabiktima ng hacking.

Ilan na nga rin sa mga ito ay ang ex-PBB housemate na si Baninay Bautista, content creator na sina Pat Velasquez at AkoSiDogie.

Read more...