IPINAHANAP ng Kapamilya young singer na si Lyca Gairanod ang isang lola na nangangalakal pa rin ng basura sa kabila ng edad at karamdaman nito.
Ito’y para mabigyan nga niya ng kahit kaunting tulong at ayuda ang matanda dahil nga sa kaawa-awa nitong kundisyon sa buhay.
Ayon sa kauna-unahang “The Voice Kids” grand winner (2014), nakaka-relate siya sa lola na nagngangalang Lola Ising dahil nga noong bata (sa edad na 9) ay namamasura rin siya para makatulong sa kanyang pamilya.
Nauna rito, ipinost na ni Lyca sa social media ang video ni Lola Ising habang ito’y namumulot ng basura, “May nakita po akong matanda, kitang-kita ko po sa kanya yung ginagawa ko nu’ng bata pa ako.
“Kaso iba nga lang kami ng story, kasi matanda na siya, e. Ako, medyo bata pa, kaya medyo okay sa akin.
“Pero siya kasi, nu’ng nakita ko siya, talagang yung parang nabiyak yung puso ko. Alam mo yung nararamdaman ko nung nangangalakal pa ako.
“Parang nakita ko sa kanya na sobrang hirap magtrabaho, tsaka sa tanda niyang iyon, nagtatrabaho pa rin siya,” pahayag ng singer na 16 years old na ngayon.
Maraming naawa sa kalagayan ng matanda at sinabihan din nila si Lyca na sana’y mabigyan niya ito kahit na kaunting tulong. Agad namang tumugon ang dalagita at pinahanap nga ang tahanan ni Lola Ising.
Sa YouTube channel ng young singer ay mapapanood ang makabagbag-damdaming pagtatagpo ng dalawa sa isang barangay sa Malabon.
Sa nasabing video, mapapanood ang pamimili ni Lyca ng mga grocery items na ibibigay niya sa lola. Aniya, “Actually, nung bata ako, parang nakikita-kita ko na siya, e. So, parang sabay kaming nangangalakal dati.
“Nakita ko si Lola nu’ng bata pa ako. Hanggang ngayon nangangalakal pa rin siya.
“Grabe, ano, sa tanda niyang iyon. Kahit ano’ng gawin, hindi ko talaga pangangalakalin yung lola ko kasi matanda na yun, e,” lahad pa niya.
Hindi na nakapasok ang sasakyan nina Lyca sa kinaroroonan ng bahay ni Lola Ising dahil napakasikip ng daan. At kinailangan pa nilang maglakad nang medyo may kalayuan patungo sa munting tahanan ng matanda.
Dito mas naawa pa si Lyca kay Lola Ising dahil nga sa layo ng nilalakad nito araw-araw para lamang makapangalakal ng basura kapalit ng maliit na halaga.
Malapit na sa dagat ang tirahan ng lola na kadikit ng iba pang barong-barong. Nadatnan ni Lyca ang matanda habang kumakain ng tinapay.
“Ngayon wala po akong kapera-pera. Kahit piso wala. Kasi bawal lumabas kaya kinakain ko na lang ito. May sakit kalahati ko katawan,” ang sabi ni Lola Ising sa dalagitang singer.
Sumbong pa niya kay Lyca, baka raw bilang na ang mga araw niya sa mundo dahil sa matinding hirap na dinaranas niya. Hindi naman daw siya maaaring tumigil sa pangangalakal dahil ito lamang ang ikinabubuhay niya.
“Hindi puwede tumambay, magpahinga ako. Wala ako pagkain,” sabi ni Lola.
“Nakikita kita lagi pag nadadaanan ka namin. Naaalala niyo pa ba ako, ‘Nay?” sabi naman sa kanya ni Lyca. Ngunit mukhang hindi na siya matandaan ng matanda.
Nang makita na ang mga regalong dala ni Lyca, makikita sa mukha ni Lola Ising ang labis na kaligayahan, “Panginoon talaga mabuti. Buti na lamang makakapahinga ako.”
Habang nag-uusap ang dalawa ay sinabihan ni Lyca si Lola na dapat ay nagpapahinga na ito. Ngunit anito sa kanya, “Paano ako magpapahainga wala naman ako pagkain?
“Namamasura, tapos ibebenta ko. Iyang kuwarto, binayaran ko pa iyan,” aniya pa. Sabi ni Lola, P20 hanggang P30 ang kinikita niya sa pangangalakal.
Sabi pa niya kay Lyca, “E, ito ngang ibinigay niyo sa akin, makakapahinga na ako. Nagdadasal ako na may tutulong sa akin, bigyan ng mahabang buhay. Yung tulong niyo sa akin makakapahinga ako.”
Sabi pa ng matanda, “Mahilig tayo sa Panginoon. Wag natin pakalimutan. Naglalakad ako diyan namamasura, mga altar kinukrusan ko iyan.
“Bigyan ako ng lakas pa ng katawan. Ang mga apo ko maliliit pa,” aniya pa. Dalawa raw ang anak niya at isa rito ay may karamdaman din. May tatlo rin daa siyang apo na maliliit pa.