Babae bumabandera: 3 patunay ng pamamayagpag ng mga Pinay sa Tokyo 2020 Olympics
HANGGANG ngayon ay hindi pa rin maikakaila ang diskriminasyon laban sa kababaihan lalo na sa larangan ng palakasan.
Marami pa rin ang tumataas ang kilay at napapatanong ng “Bakit?” o paminsan pa nga’y “Paano nangyari ‘yon?” sa tuwing may isang babae ang lumi-level sa kakayahan ng kalalakihan.
Sa panahon kung saan lahat ay may posibilidad, patuloy na pinapatunayan ng mga kababaihan na hindi ito basta-basta, na hindi ito babae LANG.
Una, sampu sa 19 na representante ng Pilipinas para sa Tokyo Olympics ay BABAE.
Pinatutunayan lamang nito na hindi dapat maging basehan ang kasarian para ipaglaban ang bansa. Sila ay sina Nesthy Peterio (Boxing- Women’s Featherweight), Irish Magno (Boxing- Women’s Flyweight), Hidilyn Diaz (Weightlifting- Women’s 55kg), Elreen Ando (Weightlifting- Women’s 64kg), Margielyn Didal (Skateboarding- Women’s Street), Bianca Pagdanganan (Women’s Golf), Kristina Knott (Athletics – Women’s 200m run), Kiyomi Watanabe (Judo- Women’s 63kg), Remedy Rule (Swimming – Women’s 100m butterfly, Women’s 200m butterfly), at Yuka Saso (Women’s Golf).
Pangalawa, ang unang nakakuha ng gintong medalya para sa Pilipinas ay BABAE.
Si Hidilyn Diaz ang unang nakasungkit ng Gold Medal para sa bansa. Lumikha ito nang kasaysayan matapos talunin ang world-record holder na si Liao Qiuyun mula sa China at magtala ng bagong Olympic record (224 kg total). Bukod rito, 97 years nag-antay ang bansa bago makamit ang unang gintong medalya at ito ay dahil sa kanyang pagpupursigi.
Binansagan rin siya bilang ‘Weightlifting Fairy’ ng Pinas.
Pangatlo, ang naging crowd favorite ng Tokyo Olympics 2020 ay BABAE.
Hindi man niya nakamit ang inaasam na kampeyonato, nanalo naman ang Filipina skater na si Margielyn Didal sa puso ng mga manonood sa bawat sulok ng mundo. Hindi matatawaran ang karakter nito at ang pagmamahal sa bansa dahil patuloy itong lumaban sa kabila ng pagkakaroon ng sprain na lumala matapos ang 2nd run noong prelims. Binansagan rin ito bilang “legend” ng isang social media personality mula sa Brazil na si Luscas.
Sa ngayon, hindi pa rin tapos ang Tokyo Olympics at patuloy pa rin ang ating mga representante sa paglaban para sa karangalan ng bansa.
Nawa’y sa lahat ng mga naging pangyayari ngayong Olympics, mamulat ang marami na hindi dapat minamalit ang kababaihan, na pwede rin itong makipagsabayan sa kahit anong larangan.
Bumandera ka, babae! Nilikha ka kapantay ng kalalakihan. Hindi ka nilikha para maging sunud-sunuran sa kagustuhan ng iyong lipunan. At huwag mong hayaan na ito ang magdikta sa kung ano ang dapat mong kalagyan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.