NAG-POST ng bonggang litrato sa social media ang Filipina weightlifter na si Hidilyn Diaz ilang oras makalipas ang makasaysayan niyang pagkapanalo sa Tokyo 2020 Olympic Games.
Dito, pinasalamatan niya ang sambayanang Filipino na sumuporta at nagdasal para paglaban niya sa bilang kinatawan ng Pilipinas sa nasabing sports event na ginaganap ngayon sa Tokyo, Japan.
Sa kanyang Instagram story kaninang umaga, ibinahagi ni Hidilyn sa buong universe ang kanyang photo suot ang kanyang gold medal, na may caption na, “Thank you for praying.”
Pinusuan at ni-like naman ito ng kanyang IG followers na proud na proud pang ibinandera sa kani-kanilang socmed accounts ang bago niyang historic achievement.
Samantala, sa Instagram page naman ng TV host at dati ring atleta na si Gretchen Ho makikita ang close-up photo ng nasungkit na Olympic gold medal ng ating weightlifting champion.
“Take a look at the first ever gold medal for the Philippines. Hidilyn was generous enough to invite us to hold her gold medal and take photos with it. Really feels like destiny, somehow. Thank you, @hidilyndiaz,” ang caption ni Gretchen sa kanyang post.
Nasa Tokyo ngayon ang dalaga bilang isa sa mga Filipino reporter na nagko-cover ng 2020 Olympics at nabigyan din siya ng chance para makapanayam ang Pinay “weightlifting fairy.”
Tinanong siya kung ano ang nararamdaman niya ngayong nakagawa uli siya ng record sa kasaysayan ng Philippine sports bilang first ever Pinoy na nanalo ng gintong medalya sa Olympic Games.
“Hindi ako makapaniwala. Nasorpresa ako na nagawa ko ‘yun. Kakaiba si God. Sa lahat ng prayer warriors ko diyan sa Pilipinas, thank you so much. At sa team HD at sa lahat ng sumuporta sa akin, thank you so much for believing in me,” tugon ni Hidilyn.
Narito naman ang mensahe niya sa lahat ng mga Filipino sa buong mundo, “Huwag kayong sumuko kahit anong challenges at trial ‘yan. Manalangin tayo kay God na magga-guide siya sa atin. Proud to be Pinoy!”
Bilang kauna-unahang atletang Pinoy na makakapag-uwi ng gold medal mula sa Olympic Games mahigit P33 million ang matatanggap ni Hidilyn mula sa gobyerno at mga business tycoon sa bansa. Bukod pa yan sa mga nag-pledge ng house and lot at condo unit para sa kanyang pagiging kampeon.