Hirit ni Hidilyn matapos magwagi ng gold sa Tokyo 2020 Olympic Games: Yes! Kakain talaga ako ng marami ngayon!

HANGGANG ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Hidilyn Diaz na lumikha siya ng kasaysayan sa mundo ng sports bilang kauna-unahang Filipino na nakasungkit ng gintong medalya sa Tokyo 2020 Olympic Games.

Nagreyna si Hidilyn sa 55kg weightlifting competition (women’s division) sa ginaganap ngayong Tokyo Games matapos makuha ang matagal nang minimithing gold medal ng Pilipinas.

“Hindi ko alam na Olympic record na yung ginagawa ko. Hindi rin ako makapaniwala na nandoon pangalan ko sa Olympic record so I’m really thankful,” pahayag ni Hidilyn sa panayam sa kanya pagkatapos ng laban.

Pagpapatuloy pa niya, “Sa totoo lang kinakabahan ako baka hindi ko magawa pero the whole day, the whole week sinasabi ko, ‘I believe, I believe’ at saka prepared ako. 

“Sa lahat ng pinagdaanan ko pinrepare ako ni God to be strong today. Thankful ako sa Team HD na ginawa akong malakas,” pahayag pa ng 30-year-old pride ng Zamboanga City na nakapagtala ng Olympic record na 127kg sa clean & jerk at may total lift na 224kg.

Natalo niya sa nasabing kategorya ang world record holder na si Liao Qiuyun mula sa China na nakapagbuhat ng 223kg (para sa silver medal) habang si Zulfiya Chinshanlo naman ng Kazakhstan ang nakapag-uwi ng bronze medal.

Sa isa pang panayam, nabanggit din ng tinaguriang “weightlifting fairy” ng Pilipinas na kakain daw siya nang bonggang-bongga pagkatapos ng kanyang laban.

Sa mahabang panahon daw kasi ay talagang isinakripisyo niya ang lahat-lahat para sa kanyang training, kabilang na ang hindi pagkain ng  mga paborito niyang cheesecake at pag-inom ng bubble tea.

“Yes, I will eat a lot tonight. I mean I’ve been sacrificing my food, and this is the time to celebrate together with the people who are behind me. So I’m really thankful I can eat now, yes,” aniya pa.

Kung matatandaan, noong 2018, nakapagtala rin siya ng record bilang first Filipino weightlifter na nanalp ng gold sa Asian Games. 

Bukod dito, nag-first place rin siya sa 2019 Southeast Asian Games na ginanap dito sa Manila habang  bronze medal naman ang naiuwi niya mula sa 2019 World Championships.

Read more...