Maymay 5 taon na sa showbiz; isa sa bonggang investment ang nabiling bahay sa Japan

KUNG may isang bonggang achievement sa buhay na maituturing ang Kapamilya young actress at singer na si Maymay Entrata, yan ay ang bahay na binili niya sa Japan.

Ito yung property na iniregalo niya sa kanyang ina na matagal nang naninirahan at nagtatrabaho sa Japan. Binili niya ito sa tulong ng isa niyang kapatid para hindi na mag-rent doon ang kanilang nanay.

Sa pagse-celebrate ni Maymay ng kanyang 5th anniversary sa showbiz inalala niya ang naging pagsisimula niya sa entertainment industry na nagsimula sa pagiging big winner niya sa “PBB Lucky Season 7.” 

Tuwang-tuwa ang kanyang mga supporters nang muli siyang mapanood sa nakaraang episode ng “Magandang Buhay” para nga sa selebrasyon ng kanyang ika-5 anibersaryo sa showbiz.

Ipinaliwanag ng dalaga na hindi siya nakapunta sa ABS-CBN studio dahil nagkaroon ng mild side effect sa kanya ang COVID-19 vaccine kaya via zoom na lamang siya nagpa-interview.

“Gusto ko lang po magpasalamat ng sobra-sobra dahil sa pagmamahal at genuine na support niyo po sa akin since day one po. 

“Maraming salamat dahil kahit anong nangyari ay nararamdaman ko na karamay ko kayo dahil tayo nga po ay Kapamilya. Lagi kong iti-treasure ‘yon talaga saan man ako mapunta,” pahayag ni Maymay.

“Itong napakaespesyal na journey na ito ay hindi ako magsasawang i-share siya sa mga tao at sa mga nagsisimulang nangangarap na katulad ko. Maraming salamat,” dagdag pa ng dalaga.

Bukod sa pagbibida sa mga TV series at pelikula ng ABS-CBN kasama ang ka-loveteam na si Edward Barber, nakagawa na rin ng album ang dalaga kaya isa na rin siya ngayong certified singer.

At very soon daw ay magkakaroon din sila ng collaboration project ni Robi Domingo, “Si Maymay and I will be co-producing a certain show very, very soon.”

Sa isang bahagi ng panayam kay Maymay, nabanggit nga niya ang tungkol sa bahay na binili niya para kanyang nanay sa Japan na itinuturing niyang isa sa biggest investment niya sa loob ng limang taon niya sa showbiz.

“Isa ‘yon sa sukli ko sa mga sakripisyo na ibinigay niya sa akin simula noong nawalay siya sa akin. Napakalaki kasing sakripisyo ang mawalay ka sa anak mo. 

“Habang tumatanda ako, lalo kong naiintindihan bakit niya nagawa ‘yon, bakit siya malayo sa akin kahit kailangan ko siya. Para lang din maibigay ang pangangailangan ko sa araw-araw. 

“Masayang-masaya ako na parang ito ang oras ko para maibalik ko ang sakripsiyo na ibinigay niya para sa akin,” pahayag pa ni Maymay.

Read more...