HINDING-HINDI makakalimutan ng Kapuso actress-singer na si Glaiza de Castro ang naging experience niya habang ginagawa ang isang matinding drama scene sa bago niyang teleserye.
Kuwento ng dalaga, talagang nanikip ang dibdib niya sa nasabing eksena na isa sa mga highlights ng upcoming Kapuso series na “Nagbabagang Luha.”
Ayon kay Glaiza, “May isang eksena na hindi talaga ako makahinga. As in naninikip ‘yung dibdib ko kasi may isang eksena doon na sobrang bigat tapos kinikimkim ko kasi ‘yung gusto kong sabihin.
“So nakapikit lang ako for like 30 minutes tapos kinakalma ko ‘yung sarili ko until nag-calm na rin ‘yung nerves ko,” aniya pa.
Ang “Nagbabagang Luha” ng GMA ay ang TV adaptation ng classic film ni Ishmael Bernal noong 1988 na pinagbibidahan nina Lorna Tolentino, Gabby Concepcion, Richard Gomez at Alice Dixson.
Si Glaiza ang magbibigay-buhay sa karakter noon ni Lorna, “Yes, nasanay ako in playing strong characters. Ito, walang bahid at all ng pagiging fierce or pagiging mataray like in my roles as Pirena of Encantadia’ in ‘Temptation of Wife’ and ‘Contessa’.
“So very different ito for me dahil total around, lagi akong umiiyak so nahihirapan ako. I want to thank Direk Ricky Davao for being patient with me, lagi akong ginagabayan. We put a very different flavor sa role ko rito as Maita,” pahayag ng aktres sa ginanap na virtual mediacon para sa nasabing serye.
Nakaka-relate ba siya sa bago niyang karakter? “In a way, yes, kasi si Maita kapantay ko pagdating sa pagmamahal sa family. Pareho kaming yun ang priority namin, ganun siya, she’ll do everything for her family.
“Si Maita kasi, naging nanay siya ni Cielo (ginagampanan ni Claire Castro), after iniwan kami ng nanay namin, si Jaclyn Jose at mapatay ang tatay namin, played by Allan Paule.
“But very different din siya from the real me kasi nga hindi siya palaban. Sa kanya, sige tatanggapin ko na lang ito lahat, which, in real life, hindi ako papayag,” kuwento pa ni Glaiza.
Alam din daw niya na mataas ang expectation sa kanya ng manonood dahil si LT ang original na Maita, “Siyempre, may pressure. Lagi naman, if you’re doing a remake, it can’t be helped if you’d be compared sa original like ‘Encantadia’ and ‘Stairway to Heaven’.
“Pero nababawasan ang pressure dahil sa suporta ng mga katrabaho ko, lalo na si Direk Ricky and all my co-stars dito,” dagdag na chika pa ng dalaga.
Bukod kay Claire Castro, makakasama rin ni Glaiza sa “Nagbabagang Luha” sina Mike Tan, Rayver Cruz, Myrtle Sarrosa, Gina Alajar, Royce Cabrera at marami pang iba. Mapapanood na ito sa GMA simula sa Aug. 2.