Dina Bonnevie hinataw ng lola, pinagmumura ng security guard

Dina Bonnevie INQUIRER

NAPAPAKUNOT-NOO kami habang binabasa ang mga e-mail sa amin na ilang The Filipino Channel subscribers – aliw na aliw daw sila sa karakter ni Dina Bonnevie bilang congresswoman na iniwan ng asawang si Tonton Gutierrez at inaapi-api si Dawn Zulueta sa seryeng Bukas Na Lang Kita Mamahalin kung saan kasama rin sina Rayver Cruz at Gerald Anderson.

May nagkomento na siguro raw ay nakaka-relate si Ms. D sa mga nangyari sa buhay niya. Bigla tuloy kaming napaisip, ganito ba ang nangyari kay Dina nu’ng naghiwalay sila ng mga naging asawa niyang sina Vic Sotto at Dick Pengson? Parang hindi naman yata.

Anyway, puring-puri ng mga TFC subscriber ang kontrabida role ni Dina dahil bagay na bagay ito sa kanya at higit sa lahat, may tatak daw siya na hindi kayang gawin ng sinumang nagkokontrabida. Napaisip kami kung ano ang “tatak” na iyon?

Marahil hindi namin napapansin na mukhang kontrabida nga si Dina kasi iyon naman talaga ang alam namin at ang tingin namin sa kanya maski noon pa dahil mataray talaga siya sa totoong buhay.

Sabagay, inamin naman ito ni Dina, talagang effective siyang kontrabida dahil kapag nasa mall siya ay may mga nagagalit talaga sa kanya, tulad ng isang matandang hinataw pa siya ng payong at isang security guard na minura-mura pa raw siya dahil sa role niya noon sa May Bukas Pa.

Kaya nga nagdalawang-isip raw siya kung tatanggapin niya ang kontrabida role sa Bukas na Lang Kita Mamahalin dahil baka makaapekto ito sa estado ngayon ng kanyang asawang si Vice-Gov. Deogracias Victor “DV” Savellano.

“Minsan kasi, ‘yung mga tao, nadadala nila sa totoong buhay ‘yung role mo, eh. Ikaw, alam mong it’s just a role pero, like what I did in My Bukas Pa, talagang hinampas ako ng isang matanda sa SM, kinawit niya ako ng payong niya tapos pinahahampas ako.

Sabi ko, ‘Lola, bakit po?’ Sabi sa akin, ‘Walanghiya ka! Inaapi mo si Santino!’ Oh my God, role lang ito! Sabi ko sa kanya.”
“And then, even when I went in Mindanao, ganu’n din. Nu’ng kinukuha ko ‘yung maleta ko, biglang tinutukan ako ng airport police, sabi niya, ‘Ikaw si Malena (karakter niya sa May Bukas Pa), di ba?”

“Eh medyo matagal nang tapos ‘yung May Bukas Pa, tapos, nag-iisip ako, sabi ko, ‘Ho?’ Sabi niya, ‘Ikaw si Malena, di ba?’ Tapos minura niya ako! So, natakot ako!” kwento pa ni Ms. D.

Pero may mga lugar naman daw na naniniwalang mabait ang aktres lalo na sa bayan ng Ilocos kung saan tagaroon din ang napangasawa niya ngayon, “Sabi ng mga Ilocano, hindi ka naman pala bad, kaya lang kasi pag nagiging bad ka sa TV, parang kapani-paniwala.

“Kaya sabi ko nga kay direk (Jerome Pobocan, direktor ng BNLKM), huwag namang masyadong evil kasi baka hindi na iboto ang asawa ko. Ayokong pumatay ng tao (sa serye)!” pakiusap ni Dina.

So, ito nga ang “tatak” ni Dina na nakikita ng tao sa kanya kaya siya gustung-gustong kontrabida.

 

 

Read more...