Francine Diaz: May third eye ako pero ngayon wala na, nagsarado na siya

MAY third eye pala ang Kapamilya young actress na si Francine Diaz kaya may mga pagkakataon na nakakakita siya ng mga bagay at pangyayari na mahirap ipaliwanag.

Kuwento ng dalaga, bukas na bukas daw noong batambata pa siya ang ikatlo niyang mata kaya talagang inaatake siya ng matinding takot at nerbiyos.

Buti na lang daw at tumigil na ang pagpapakita at pagpaparamdam sa kanya ng mga ligaw na kaluluwa at iba pang ispiritu at elemento kaya ang feeling niya kusang nagsara ang kanyang third eye dahil hindi ito kinaya ng powers niya.

“Kasi dati hindi ko alam kung naniniwala kayo, pero dati kasi may third eye ako pero buti ngayon wala na siya, closed na.

“Kaya yung takot ko nabawasan na siya kahit paano pero nandu’n pa din mga 98%,” ang kuwento ni Francine sa isang online interview.

Naikuwento ng Kapamilya star ang tungkol sa third eye nang mapag-usapan ang challenge na hinarap niya bilang bida sa suspense-thriller na “Tenement 66” kasama sina Francis Magundayao at Noel Comia.

“Parang isa sa mga challenge ko rito yung magpigil ng tawa kasi sobra ko silang naka-close kaya ang hirap maging seryoso. Lahat ng eksena namin kailangan seryoso ka. Yung character ko kasi seryoso siyang tao. 

“So, nahirapan ako minsan matawa pero kidding aside, yung mga preparations na ginawa ko since nabasa ko yung script and sinabi rin naman sa amin sa workshop nila direk Rae Red na parati kaming tumatakbo, palaging gumagalaw, hindi kami yung chill lang,” chika ni Francine.

“So, ang ginawa ko nagwo-workout ako everyday. Between sa break ko habang nagwo-workout binabasa ko yung script. Kasi kapag nagwo-workout ako nandu’n yung itsura ko na para akong galit na seryoso tapos du’n ko sinasabi yung lines ko para ma-practice. 

“Kahit mahirap siya naging madali kasi gina-guide kami ni direk Rae Red. Which is yun yung nakakapagpadali sa amin and yung nakakapagpa-smooth ng mga eksena namin,” aniya pa.

Sa tanong naman kung ano ang mga natutunan niya habang ginagawa ang movie, “Ang pinakanatutunan ko base sa mga ginawa ng characters namin sa story, hindi porke’t nakagawa yung tao ng masamang bagay masamang tao na siya. 

“Minsan nagagawa nila yun gaya nung sa akin nagawa niya dahil gusto niya makaalis dun sa tinitirhan niya, dun sa kasama niya tatay niya kasi inaabuso siya, sinasaktan siya. 

“So, yung only way out niya du’n ay yung gumawa ng masama, wala na siyang ibang option kundi gawin yun. Pero hindi naman siya talagang masamang tao.

“Kaya huwag tayo masyado mag-judge sa mga nakikita natin sa panglabas lang na anyo ng mga tao kasi you’ll never know kung ano yung pinagdadaanan nila and kung bakit nila nagawa yung bagay na yun. 

“For me yun talaga yung lesson na puwede ko i-share sa lahat, sa mga kabataan ngayon at sa mga mas bata sa amin. Na huwag kang mag-ju-judge agad. Mas maging kind ka sa mga unkind people kasi mas kailangan nila yun,” pahayag pa ni Francine.

Read more...