Nabigyan ang Globe ng mga lokal na pamahalaan sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas ng 1,451 na permit sa unang anim na buwan ng 2021.
Sa tulong ng Bayanihan 2 law, napabilis nito ang proseso sa pagbibigay ng permits para makapagpatayo ng mga cell site, na siyang kailangan para mas gumanda at tumatag ang serbisyo ng telekomunikasyon lalo na sa mga lugar na kulang ang serbisyo.
“Dati napakalaking hamon ang pagkuha ng mga permit pero ngayon, mas maraming lokal na pamahalaan na ang nakakaunawa na mas mapapabuti nila ang serbisyo sa kanilang mga nasasakupan kung mayroong connectivity. At dahil na rin sa panawagan ng pamahalaan na higit na pagaanin ang proseso sa pagkuha ng permit, nakakuha kami ng mas maraming permit ngayon kumpara nung mga nakaraang taon,” ayon kay Joel Agustin, Globe SVP for Program Delivery, Network Technical Group.
“Ang mga permit na ito ay magpapahintulot sa amin na makapagbigay ng mas mahusay at mas malawak na serbisyo sa mas maraming mga customer na umaasa sa reliable na koneksyon para matugunan ang kanilang mga pang araw-araw na gawain at pangangailangan,” dagdag pa niya.
Nakakuha ng pinakamaraming permit ang Globe sa Hilagang Luzon na may kabuuan na 395, habang 314 naman sa Visayas at 312 sa Metro Manila kasama ang Rizal.
Ang Metro Manila, Cebu, Nueva Ecija, Pangasinan at Bulacan ang nangungunang limang lalawigan na may pinakamaraming permit na naibigay sa kumpanya habang 14 na iba pa ang nagbigay ng hindi bababa sa 20 permit.
Pagdating sa mga lungsod o bayan, ang Makati City ay nagpalabas ng pinakamaraming permit na umabot sa 67, ang Davao City ay may 55 at ang Quezon City ay 53. May 22 iba pang mga lungsod at munisipalidad ang naglabas ng hindi bababa sa 10 mga permit.
“Ang mga permit na ito ay magbibigay-daan para mapanatili namin ang momentum sa paglalagay ng maraming mga cell tower sa mga pangunahing lokasyon. Ito ay makakatulong para mabawasan ang load ng aming network at mapabuti ang mga ibinibigay naming serbisyo sa mga customer gaya ng calls, SMS at data,” sabi ni Agustin.
Ang walang tigil na pagsisikap ng Globe na mapagbuti ang estado ng pagkakakonekta ng bansa ay nag-resulta sa pagiging pinaka-consistent na mobile network nito sa dalawang magkasunod na quarters ng 2021, na pinatunayan naman ng Ookla®.
Nanatiling nangunguna ang telco sa mobile consistency sa buong bansa kumpara sa kumpetisyon. Ang Consistency Score ng Globe sa Q1 2021 ay 70.43 at sa Q2 2021 ay 75.98.
Sinusuportahan ng Globe ang United Nations Sustainable Development Goals, partikular ang UN SDG No. 9 na nagha-highlight sa mga papel na ginagampanan ng imprastraktura at pagbabago bilang mga kritikal na driver ng paglago at pag-unlad ng ekonomiya. Nakatuon ang Globe na itaguyod ang mga prinsipyo ng UN Global Compact at mag-ambag sa 10 na UN SDGs.