Ai Ai dumulog sa NBI para hantingin ang mga ‘pumatay’ sa kanya sa socmed

PORMAL nang nagsampa ng reklamo sa mga otoridad ang Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas upang matukoy kung sinu-sino ang mga taong “pumatay” sa kanya sa social media.

Nai-report na ng Kapuso star sa National Bureau of Investigation ang kumalat na fake news sa internet na namatay na raw siya dahil sa malubhang karamdaman.

Bago ito, tinalakan na ng komedyana sa pamamagitan ng kanyang Instagram account ang mga taong konektado sa ATUBS TV YouTube channel na siyang naglabas ng pekeng balita na pumanaw na siya dahil sa sakit na diabetes.

Kamakalawa naman, nagpa-interview si Ai Ai sa GMA para ibalita na personal pa siyang dumulog sa NBI para ipa-trace kung sinu-sino ang nasa likod ng nabanggit niyang YouTube channel. 

“Lahat yan babalik sa kanila. Pina-NBI ko na rin. Pinapahanap ko na rin ’yung mga IP address nila. E, ano, e, kumbaga sa ano, mga fake accounts din,” pahayag ni Ai Ai.

Aminado ang Kapuso comedienne na grabeng stress ang naranasan niya pati na ng mga kamag-anak at malalapit niyang kaibigan dahil sa pagkalat ng nasabing death hoax.

Samantala, nakabalik na nga ng Pilipinas si Ai Ai matapos ang ilang linggong bakasyon sa Amerika kasama ang asawang si Gerald Sibayan. 

Kuwento ng komedyana, sulit na sulit ang pagpunta nila sa US dahil bukod sa naasikaso niya ang ilang personal na mga bagay ay nabisita niya muli ang anak na si Nicolo na doon na naninirahan.

“Siyempre, bilang nanay, kailangan ko ring bisitahin at makita ko ’yung anak ko. Tsaka yung green card ko rin, isa rin ’yun sa dahilan. And ’yung vaccine ko,” ani Ai Ai.

Nabanggit din niya na unti-unti nang bumabalik sa normal ang sitwasyon sa US matapos ang matagal-tagal ding lockdown dulot ng COVID-19 pandemic.

“Sa Las Vegas nu’ng pumunta kami, open na rin ’yung Las Vegas. Puwedeng hindi ka na mag-mask kapag vaccinated ka na. 

“Nasa sa ‘yo na kung gusto mo mag-mask o hindi. Pero kami, bilang proteksyon, naka-mask kaming mag-asawa,” chika pa ni Ai Ai sa panayam ng GMA na nakapag-guest pa sa isang mini-concert sa New York.

Sabi ng veteran actress, ang sarap daw sa pakiramdam na nakapag-perform uli siya sa harap ng live audience. 

“May pag-asa pa pala tayo. Doon mo mari-realize na, ‘Ah, may pag-asa pa pala. Mag-o-open pa pala ang buong mundo.’ 

“Akala ko kasi sarado na ang lahat. Alam mo ’yong ganu’ng feeling? And du’n mare-realize mo na masarap pa rin ang buhay. Masaya pa rin. Laban lang,” paalala pa niya sa mga Filipino.

Dagdag pang chika ni Ai Ai, “Happy din ako kasi, eto, malapit na rin ’yong The Clash at medyo hindi na masyadong mahigpit. Baka mamaya meron na rin tayong mga live audience. Unti-unti na tayong babalik sa dati na natin.” 

Read more...