Dennis: Hindi po kabit serye ang ‘Legal Wives’ kahit 3 ang magiging asawa ko

TRAILER pa lang ng pinakabagong family drama ng GMA na “Legal Wives” ay talagang kikilabutan ka na dahil sa naglalakihang eksena ng mga bigating artista kasali rito.

Halos lahat ng imbitadong miyembro ng entertainment media ay nagsabing promising, bonggacious at hindi tinipid ng GMA ang produksyon ng teleserye na pinagbibidahan ng Kapuso Drama King na si Dennis Trillo.

Sa ginanap na virtual mediacon ng “Legal Wives” kagabi ay humarap ang lahat ng cast members nito pati na ang direktor ng programa na si Zig Dulay.

Dito ipinagdiinan nga ni Dennis na hindi “kabit serye” ang “Legal Wives” kung saan makakasama rin niya sina Alice Dixson, Bianca Umali at Andrea Torres na gaganap bilang mga asawa niya sa kuwento.

Gagampanan ng boyfriend ni Jennylyn Mercado ang karakter ng isang Maranao royalty, si Ismael Makadatu na magkakaroon ng tatlong asawa na may iba’t ibang personalidad at ipinaglalaban sa buhay.

“Hindi ito isang kabit serye. Isa itong family drama at mas importante dito yung hindi kung kanino mapupunta kung sino.

“Ang importante rito, kung paano na-handle yung character, yung ganoong klaseng sitwasyon, at kung paano niya mapapanatili na buo yung kanyang pamilya at walang nag-aaway-away,” paliwanag ng aktor.

Aminado si Dennis na napakahirap ng role niya sa serye kailangang paghandaan niya ito nang bonggang-bongga bukod pa sa magagaling din ng lahat ng co-stars niya sa programa.

“May mga consultant na nakagabay sa amin sa set whenever kailangan namin i-consult sa kanila kung papaano bigkasin.

“Hindi siya basta ordinaryong terms, meron siyang tono, meron siyang tamang enunciation at syllabication na kailangang sundin at kailangang magmukhang tama lahat habang binibigkas namin.

“Para kaming nag-aaral. Gabi-gabi, mine-memorize namin yung script. At talagang napakahirap dahil kung minsan ang hahaba ng dialogues.

“Ako, ginagawa ko bago matulog, kapag alam kong meron akong mahahabang lecture, mahahabang lines, sa gabi pa lang binabasa ko na ang script.

“Paggising ko sa umaga, binabasa ko uli para hindi ko siya makakalimutan at ma-absorb ko lahat ng information at ikuwento sa iba,” pahayag ng award-winning actor.

Base sa trailer ng “Legal Wives” may mga nagkomento na parang mas naaawa sila sa karakter ni Dennis kesa sa tatlo niyang asawa. Sey ng aktor, dahil sa kanyang karakter, napakarami niyang natutunan sa kultura ng Islam.

“Si Ismael medyo kawawa nga siya dahil talagang sinusunod niya yung relihiyon by the book.

“Actually yung pangalan na Ismael, galing sa Hebrew word na Isma na ibig sabihin hearer, tagapakinig. Tapos yung El naman ay Allah.

“So, parang yung pangalan niya, Ismael, hearer of God or hearer of Allah sa Islam,” aniya pa.

Mapapanood na ang “Legal Wives” simula sa darating na Lunes, July 26 sa GMA Telebabad. 

Read more...