Empoy mawawala na nga ba sa teleserye ni Maja sa TV5?

TODO ang pasasalamat ng buong staff and crew pati na ang mga artista sa teleseryeng “Niña Niño” ay dahil alagang-alaga sila ng produksyon sa kanilang lock-in taping.

Dahil magkakaroon nga ng season 2 ang nasabing programa ng TV5 na pinagbibidahan ni Maja Salvador ay muli silang magkakasama-sama kaya naman itinuturing nila itong malaking blessing.

Para sa lahat ng taong involved sa serye, sulit na sulit ang hirap na inaabot nila sa lock-in shoot sa malayong lugar kung saan walang signal.

Sa bloggers mediacon ng “Niña Niño” ay naikuwento ng cast members na sina Empoy Marquez, Lilet, Yayo Aguila, Kat Galang, Aahron Villena, Moi Bien at Noel Comia na walang signal sa location nila.

Kaya kapag tapos na ang shoot at maaga pa ay nagkukuwentuhan sila para magkakilalanlan na rin ang isa’t isa. Ito’y nangyari noong bago-bago palang silang nagte-taping.

Umaabot pala ng isang buwan ang lock-in shoot ng serye at para na rin sa kaligtasan ng lahat ay istrikto nilang sinusunod ang lahat ng safety protocols.

Paliwanag ng direktor ng serye na si Thop Nazareno, “Yung safety po ng lahat ng tao ay sobrang priority namin since day one kaya napaka-challenging din for us sa production side to pull off this teleserye kasi  hindi siya pandemic (project), kaya mahigpit po kami sa safety ng bawa’t isa o pagsunod sa health protocols.

“Ang ikinaganda rin po ay nasa malayo kaming lugar kaya po walang signal kasi may pagka isolate.  
“Makakatulong po iyon sa amin kasi malayo kami sa mga tao at walang COVID-19 case po sa Dolores, Quezon and ‘yung support po ng local government to help us keep the bubble safe,” paliwanag ng direktor.

Ang maganda pa sa set ng “Niña Niño” ay gumagawa sila ng paraan para hindi isipin ang signal o anumang makakapagpa-stress sa kanila. 

Dapat ay happy set lang kasi nga ang kuwento ng serye ay naghahatid ng inspirasyon at good vibes sa mga manonood.

Samantala, super adjust daw ngayon ang writers ng serye dahil paalis si Empoy, mawawala siya ng halos three weeks dahil may shooting sila ni Alessandra de Rossi sa Paris, France.

Ito’y para sa pelikula nilang “Walang kaParis” na ididirek ni Sigrid Andrea Bernardo mula sa Spring Films at Viva Films.

Biro nga ni Empoy, “Thankful ako sa writers kasi siyempre gagawan nila ng paraan na manatili ako sa kuwento para may mga susunod pang seasons.”

Read more...