MAY ibinigay na bonggang payo ang Phenomenal Box-Office Star na si Vice Ganda sa lahat ng Filipino na nagrereklamo at nagsasabing sawang-sawa na sila sa mga palpak na sistema ng gobyerno.
Tulad ng ilang mga kilalang celebrity, nanawagan din ang “It’s Showtime” host sa madlang pipol na magparehistro at bumoto sa darating na 2022 presidential at national elections.
Ayon sa TV host-comedian, pamamagitan ng pagboto ay maipakikita ng bawat Pinoy ang kanilang kapangyarihan sa pagpili ng mga taong nais nilang iluklok sa pwesto na sa tingin nila ay makatutulong para mapaunlad ang bansa.
Sey ni Vice, hindi sapat ang magtatalak at magreklamo sa social media o maglabas ng hinaing online laban sa mga politikong walang ginagawang mabuti para sa sambayanang Pinoy.
“Kaya sa mga pwede nang bumoto, magparehistro po kayo. Napakahalaga po niyan,” pahayag ni Vice sa segment na “Tawag ng Tanghalan”.
Aniya pa, “Hindi pwedeng chika lang kayo nang chika sa Twitter. Kailangan nagpaparehistro kayo. Kailangan bumoboto kayo. Hindi pwedeng woke-woke-an ka lang sa Twitter, pero di ka nagpaparehistro. Very bad ’yun.”
Naging topic sa nakaraang episode ng “It’s Showtime” ang tungkol sa halalan nang mapag-usapan ang pagiging deboto ni Kim Chiu kay Santo Padre Pio. Hirit naman ni Vice sa eleksyon lang daw siya nagiging deboto.
Bukod kay Vice, nauna nang nanawagan ang isa pang host ng show na si Karylle sa mga manonood na magparehistro para makaboto at makapili ng mga karapat-dapat na public servant.
Biniro kasi ni Vice Ganda si Karylle na mukha itong student leader activist na nagpoprotesta. Tawa lang nang tawa ang singer-actress at sinakyan din ang hirit ng komedyante.
“It is very important to makibaka. And, of course, please register to vote for the next elections,” sey ni Karylle.