Angel: Mag-aaral ako magluto para hindi ako isauli ng asawa ko sa tatay ko!

NUMBER one talaga sa mga rason ng award-winning actress na si Angel Locsin kung bakit nag-artista ay para makaipon ng pera para sa operasyon noon ng kanyang tatay.

Ito ang inamin ng Kapamilya actress at TV host nang magbahagi siya ng ilang detalye tungkol sa naging pagsisimula niya noon sa mundo ng showbiz.

Ayon kay Angel, ang talagang plano niya ay dalawang taon lang siya magtatrabaho bilang artista at pagkatapos noon ay magku-quit na rin siya sa showbiz.

“Alam mo ba, dapat two years lang ako sa showbiz. Mag-iipon lang ako, tapos ipapaopera ko yung tatay ko. 

“Tapos nu’ng nakaipon na ako ng 75 percent, sinabi sa amin ng doctor na hindi na pwede i-operate. Ngayon, 94 na si Daddy. Pero nu’ng time na yun, mga 80 plus na si Daddy,” ang pahayag ni Angel sa chikahan nila ni Matteo Guidicelli sa “MattRuns” podcast.

Ang tinutukoy ng aktres ay ang operasyon sana sa mata ng kanyang ama.

Pahayag ng fiancée ng film producer na si Neil Arce, ang feeling daw kasi niya that time ay wala na siyang purpose sa entertainment industry dahil sa kundisyon ng ama.

“Medyo na-lost ako, wala akong purpose, hindi ko alam kung anong gagawin. And then, na-challenge ako.

“Hindi ko alam kung naranasan mo yung minsan may bullying or minsan may parang discrimination. Na-challenge lang ako na okay, ipapakita ko na kaya ko. Tanggap lang ako nang tanggap ng trabaho,” pahayag ng aktres.

Ngunit biglang nagbago ang desisyon niyang mag-retire agad sa showbiz nang dahil sa ilang veteran stars na nakatrabaho niya sa mga nagawa niyang proyekto.

“Nakakita ako ng mga magagaling na artista, mga senior actors natin. Na-impress ako sa passion nila.

“Si Tita Amy Austria, siya yung unang napanood ko na, sabi ko sa kanya ‘Nay, bakit ka umiiyak? VO lang ito.’ ‘Kasi anak, maririnig ng tao yung emosyon mo, so dapat iiyak mo rin kung kailangan umiyak ka.’

“Nu’ng time na yun, hindi ko naiintindihan, kasi hindi ka kita sa camera. Eh, ‘di ba, ang hirap umiyak? Tapos, iiyak ka, hindi ka kinukunan ng camera. Doon ko na na-discover yung passion ko rin. Na-curious ako kung paano ginagawa,” paliwanag pa ng tinaguriang real life Darna.

Speaking of Darna, totoong ito raw talaga ang pinakasikat na karakter na ginampanan niya sa teleserye ngunit para kay Angel, may isa pa siyang role na talagang nagpasikat sa kanya nang bonggang-bongga.

“Darna yung pinakasikat na project talaga. I think, lahat naman, pinapangarap makuha yung project na yun. 

“Pero ang nagbigay sa akin ng pangalan, siguro yung ‘Mulawin’ with Richard Gutierrez. Hindi pa kasi uso yung mga fantaserye noon, yung mga fight scenes, lalo na sa mga babae,” pag-amin ng aktres.

Matinding challenge rin daw ang hinarap niya sa nasabing serye bilang si Alwina pero kahit napakahirap daw ng mga eksena niya sa “Mulawin” ay na-enjoy niya ito nang todo.

“Kasi kahit paupuin ako sa puro niknik na mga dahon, okay lang. Yung mga sugat ko sa legs noon, grabe. Ang kati-kati ng legs ko. Pero, na-enjoy ko. And siguro, yung tiwala ko rin sa director ko, kasi lahat din sila, hirap, eh,” kuwento pa ni Angel.

Nabanggit din niya na hinahanap-hanap din niya ang paggawa ng pelikula, “Nami-miss ko yung nagbubuo ka ng character at yung mga katrabaho.

“Pero I think nasa okay na place ako ngayon. For the longest time kasi, ang iniisip ko kumita ng pera. Breadwinner ka, so ganu’n ang iniisip mo. Pero nakalimutan ko yung sarili ko.

“Ngayon natututo ako kung paano gumawa ng budget ulit. So siguro, ako muna. Ayusin ko muna yung sarili ko. Ayusin ko yung kasal ko. Mag-aaral ako magluto para hindi naman ako isauli ng asawa ko sa tatay ko,” sabi pa ni Darna.

Read more...