YouTube vloggers na nang-iintriga kina Sharon at Kiko, sinampahan na ng reklamo

SHARON CUNETA AT KIKO PANGILINAN

“Sobra na!”

Ito ang galit na pahayag ni Senator Kiko Pangilinan matapos maghain sa Department of Justice ng dalawang reklamong cyberlibel laban sa mga echoserang YouTube vloggers na walang ginagawa kundi magpakalat ng intriga laban sa kanya at sa asawang si Sharon Cuneta.

“Limang taon na akong pinupuntirya ng fake news at tiniis natin ang lahat ng iyon. Pero ngayon, pamilya na natin ang inaatake,” ani Pangilinan sa panayam ng mga reporter nitong Biyernes.

“Kahit na sino palagay ko, kahit kayo pag pamilya nyo na, mga mahal n’yo ang hindi na binibigyan ng puwang lalabanan natin. Kaya tayo nandito,” sabi pa ng senador. “This is too much.”

Sinampahan niya ng reklamo ang mga YouTube vlogs na “Latest Chika” at “Starlet” dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 10175, o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.

Umaabot sa 82 videos sa dalawang vlogs ang sinasabing defamatory ang laman laban sa pamilyang Pangilinan. Hindi pa natutukoy kung sino ang mga taong nasa likod ng vlogs.

Kabilang sa chismis na ipinapakalat ng mga YouTubers ay ang anila’y pagsasampa ni Sharon ng kaso laban kay Kiko dahil sa “pambubugbog” ng senador. Dati na itong pinabulaanan ni Megastar at sinabi pa nga niyang ang bilin ng kanyang namayapang ama ay “minsan lang akong saktan ng lalaki, iwan ko na agad.”

Ibinida pa ni Mega na kahit kay Gabby Concepcion, ang kanyang unang asawa, ay hindi siya nakatikim ng pisikal na pananakit.

Isa pang chika na pinagpipistahan ng mga vloggers ay ang “tooong dahilan” kung bakit raw nasa Amerika si Sharon. Buntis daw si Ate Shawie at ang ama ng kanyang dinadalang sanggol ay ang 26-anyos na si Marco Gumabao na nakatambal niya sa pelikulang “Revirginized.”

Napa-susmaryosep na lamang si Kiko sa intrigang ito. At wika nga ng 55-taong-gulang na si Sharon: “Nakalimutan nila na hindi na ako 30. Hahaha.”

Sinampahan din ng senador ng reklamo si Bernadette Nacario, country manager ng American tech giant na Google, na siyang may-ari ng video sharing site na YouTube.

“As the country manager, Nacario had the duty to oversee the day-to-day functions of the company. As such, she should’ve ensured that YouTube maintains to uphold its community guidelines,” ayon sa inihaing complaint ni Kiko.

Sinabi niya na inereklamo na niya ang 82 video sa Google Philippines dahil sa mga paglabag sa community standards pero wala umanong ginawang hakbang ang US tech giant.

Panawagan ng senador sa netizens na “maging mapanuri at huwag basta-basta maniniwala o magsi-share ng mga kasinungalingan dahil tao rin kami. Di ba tao rin ang aking misis, ang aking mga anak.”

“Pangalawa, sa mga social media platforms, gawan naman ninyo ng masusing kilos itong laganap na paninira at laganap na pagsisinungaling. I think they should do something,” ani Kiko.

“This is too much.”

Read more...