DAMI na nating nababalitaan na mag-asawa ang nagsasampahan ng kaso, lalo na yung mga artista na laging laman din ng balita.
Kaya nga madalas na ring naririnig ang tungkol sa protection order na kadalasan ay isinasampa ng babae.
Narinig natin ito kay Kris Aquino, tapos kay Claudine Barretto at maging kay Sunshine Cruz.
Pwedeng mag-file ng protection order ang sino mang babae para sa kanyang sarili at maging sa kanyang mga anak.
Kung ikaw at iyong mga anak ay nabubugbog, nabibibiktima ng “domestic violence” gaya ng pananampal, suntok, tadyak, sipa sinusunog ang balat o namumura, napagsasalitaan ng masama, na-rape at kung anu-ano pa ng inyong (a) asawa (b) dating asawa (c) live-in partner (d) dating live-in partner (c) dating girlfriend/boyfriend, protection order lang ang katapat niyan.
Kung kayo ay may-kamag-anak na biktima ng “domestic violence”, humingi ng tulong sa kapitan ng barangay.
Bilang Lolo, Lola, nanay, tatay, anak, kapatid o pinsan man ng biktima, maaring kayo ang maging petitioner.
Kung tutuusin, kahit ang barangay captain mismo ay pwedeng magsampa ng protection order para sa biktima.
Kahit isang ina, kung siya naman po ay nananakit ng anak, pwedeng maging “Respondent” ng Protection Order.
Magsumbong sa inyong Barangay Captain kung saan kayo nakatira, at kayo ay mabibigyan ng Barangay Protection Order na may bisa 15 araw. Tutulungan din kayo ng Barangay Captain mag-sampa ng “Petition for Temporary Protection Order and Permanent Protection Order” sa Municipal Trial Court o Regional Trial Court/Family Court kung saan kayo nakatira.
Ito ay inyong karapatan, at ito ay katungkulan ng Barangay Captain na tulungan ang mga “Petitioner”.
Pag meron ng protection order ang taong naabuso ay hindi puwedeng lapitan ng kinasuhan.
Di rin maaaring tawag sa telepono ang biktima, pati mag-text. Hindi puwedeng puntahan sa trabaho o eskwelahan.
Alam din ba ninyo na kapag may Protection Order, kahit ang sweldo ng isang ama o isang ina na “nananakit” ng anak ay pwedeng makuha bilang financial support ng mga anak, kahit siya pa ay pinalayas na sa kanyang bahay.
Bibigyan ng subpoena ang employer at hahayaan itong i-split ang sweldo sa empleyado at sa pamilya nito. Pag di tumugon ang employer, pwede itong kasuhan at makulong.