“HINDI pala ako malakas, hindi pala ako magaling.” Ito ang matapang na pag-amin ni Nadia Montenegro sa isang interview kasama si Ogie Diaz tungkol sa mga pagsubok na hinarap niya sa buhay.
“Gusto ko nang bumigay. Ito ‘yung pinakamalaking battle ko sa court, eight years ago,” sabi pa niya.
Matatandaan na nakabanggaan at umabot pa sa demandahan ang issue ni Nadia at ng dating aktres at talent manager na si Anabelle Rama. Nagsimula ito noong akusahan niya ito ng pamumuwersa sa mga anak na sina Ynna at Alyanna Asistio na magtrabaho nang higit sa 40 oras.
“Kasi isang araw gumising ako, paano ba ito? Sobrang sakit na kasi, sobrang kahihiyan na. Sobrang panghihiya, sobrang pangliliit sa social media, sa TV, sa news, kahit san ka magpunta. Lahat na ng pwedeng itawag sa isang babae natawag na sa akin,” pahayag ni Nadia.
Dagdag pa niya, umabot sa punto na nananaginip na siya kung paano niya wawakasan ang buhay nilang mag-iina.
“Umabot na ako sa ganon na paano ba? Iinumin ko ba ‘yong poison tapos ilalagay ko sa pagkain nila o sila muna saka ako?
“Nung umabot na ko sa ganu’n, kinausap ko na yung pastor ko. Kailangan ko na umalis ng bansa. Ayoko na. Kasi kapag hindi, hindi na ako magiging nanay,” aniya.
Isang magandang desisyon naman ang pagpunta niya sa ibang bansa dahil naging malapit siya sa Panginoon. Doon niya napagtanto na handa na siyang magpatawad.
“Umuwi ako. Sabi ko sa mga abogado ko, ‘Itigil na natin ‘to.
“Natutunan kong magpatawad at yun ‘yung pinaka-best gift na nabigay ko sa sarili ko, ‘yung i-surrender ko yung life ko kay Lord at matutong magpatawad at patawarin ang sarili ko,” pahayag niya.
Ikinuwento rin niya ang mga pinagdaanan nila noong magkasakit at mawala ang long-time partner niyang si, Ex-Mayor Macario “Boy” Asistio.
“Binigyan kami ng mga tamang kaibigan at tamang tao sa buhay namin. Nu’ng nawala si Boy, ayun na naman. Iba pala ‘yon.
“Pero alam mo, sabi ko nga, grateful ako na nangyari ‘yon kasi kung hindi nangyari ‘yon, madami akong hindi matututunan,” dagdag pa ng aktres.
Laking pasalamat niya na naging magaan ang buhay ng mga anak dahil na rin sa mga naituro ng namayapa nilang ama. Masaya rin siya na hindi siya iniwan ng Diyos.
“Nu’ng nawala si Boy, ang talagang nag-take over, si Lord talaga. Si Lord naging Ama nila. Laking pasalamat ko lahat sila doon kumapit,” aniya pa.