Sef, Mikee na-pressure sa pagganap bilang Bitoy at Manilyn sa ‘Pepito Manaloto’ prequel

TULUY-TULOY ang kulitan, tawanan at pagpapasabog ng good vibes sa prequel ng Kapuso comedy show na “Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento.”

Dito, babalikan nina Michael V at Manilyn Reynes bilang sina Pepito at Elsa ang pagsisimula ng kanilang love story noong dekada ’80 kasama ang kani-kanilang pamilya at mga kaibigan.

Sa unang kuwento, gaganap si Sef Cadayona bilang batang Pepito Manaloto habang si Mikee Quintos naman ang magiging batang Elsa dela Cruz.

Inamin ni Sef na kahit sanay na siyang mag-comedy ay na-challenge at na-pressure pa rin siya sa bago niyang project.

“Una sa lahat ang gagampanang role natin dito ay si Pepito Manaloto na more than 10 years na at talaga namang matibay. Tapos ipo-portray mo pa ‘yung batang Pepito, si Kuya Bitoy, siyempre nandoon ‘yung pressure.

“Ang pressure naman kasi hindi mawawala lalo na kung gustong-gusto mong ibigay ‘yung kaya mo.

“Personally, I can say na masuwerte ako na ang dami kong pwedeng hingan ng advice at guide kasi willing na willing ang buong team na tulungan kami kung ano ‘yung kailangan namin maipakita sa Ang Unang Kuwento,” pahayag ng komedyante sa virtual mediacon ng “Pepito Manaloto Ang Unang Kuwento” kahapon.

Sabi naman ni Mikee, “Si Ms. Manilyn, I really admire her off-cam. Nakasama ko na siya before sa The Lost Recipe. ‘Yung guidance niya, how she is and how she talks, sobrang malumanay, very welcoming, and very mommy. 

“Ganoon ‘yung vibe niya. It’s very distinct, her character. As Elsa, nage-enjoy akong gayahin siya kasi ang layo noon sa personality ko. Challenge siya but nae-enjoy ko siyang gawin,” chika ng dalaga.

Makakasama rin dito sina Pokwang, Gladys Reyes, Archie Alemania, Kokoy de Santos, EA Guzman, Kristoffer Martin, Denise Barbacena, Jay Arcilla at Angel Guardian. 

Pero siyempre, hindi pa rin mawawala sa eksena sina Bitoy at Manilyn kaya abangan n’yo kung ano ang magiging partisipasyon nila sa prequel ng “Pepito Manaloto” dahil siguradong marami pa silang hatid na paandar at pasabog para sa Kapuso viewers.

Kaya balikan ang makulay, masalimuot ngunit inspiring na buhay noong dekada 80 at kung paano nagsimula ang mala-fairy tale ng kuwento nina Pepito at Elsa sa “Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento” sa direksyon ni Bert de Leon simula sa darating na Saturday (July 17), 6:15 p.m., sa GMA 7.

Read more...