WILLIE REVILLAME
SA darating na Agosto ibabandera ng TV host-comedian na si Willie Revillame ang isa sa pinakamabigat na desisyon na gagawin niya sa kanyang buhay.
Wala mang binanggit ang “Wowowin” host, naniniwala ang publiko na may kinalaman ito sa darating na 2022 presidential elections.
Napanood namin sa isang video na naka-upload sa “Wowowin-Tutok To Win” YouTube channel ang naging pahayag ni Willie hinggil sa gagawin niyang big announcement.
“Sa August mayroon akong malaking announcement sa inyong lahat. Ito po desisyon sa buhay para sa akin ito at para sa ating lahat. Sana po ay maintindihan niyo,” simulang sabi ni Willie.
Wala siyang binanggit tungkol sa darating na halalan sa susunod na taon ngunit ipinagdiinan niya na hindi raw siya magiging “kenkoy” sa senado at hinding-hindi siya magnanakaw sa kaban ng bayan.
“Huwag kayong mag-alala hindi ako kenkoy sa Senado. Hindi kami magkekenkoyan.
“Tutulong, gagawa ng paraan, gagawa ng batas sa mga taong nagugutom. Hindi po magpapatawa doon,” lahad ni Willie.
Pagpapatuloy pa niya, “Hintayin n’yo ang desisyon ko, huwag n’yo akong pangunahan. Ako ang nakakaalam kung ano ang gusto kong gawin,” sey ng Kapuso TV host.
Diin pa niya, “At kung anuman ang tatahakin ko, maniwala kayo sa akin, wala akong gagawing kawalanghiyaan sa inyo. Dahil wala sa isipan ko ‘yan. Kuntento na ako kung anong mayroon ako at masaya ako na magpasaya sa inyo.”
Pinaalalahanan din niya ang mga manonood na hindi dapat maliitin ang mga taga-showbiz na pumapasok sa mundo ng politika. Aniya, ke artista o ordinaryong tao kung niyang magnakaw o gumawa ng masama sa kapwa ay gagawin at gagawin niya.
“Huwag n’yo naman hong minamaliit ang mga artista, wag n’yo ho kaming minamaliit dahil kami ho, malinis ang puso.
“Nasa tao ‘yan, nasa kabutihan ng kalooban yan. Kahit nakapagtapos ka kung masama naman ang iniisip mo, nasa isip mo magnakaw, lokohin mo kapuwa mo, hindi ba?
“So kahit isang basurero ka lang kung ang iyong damdamin eh malinis, yung ang pinakaimportante,” paliwanag ng TV host.
Base sa survey ng Pulse Asia (June 7 hanggang 16, 2021) para sa mga posibleng kumandidatong senador sa 2022, nasa ikasiyam na puwesto si Willie sa mga gustong iboto ng mga napiling respondent sa pagkasenador.