Bossing sa nagpapakalat ng fake news: Hindi natin ‘yan palalampasin, pagbabayaran n’yo yan

NATATAWA ngunit malaman at may halong pagbabanta ang naging pahayag ni Bossing Vic Sotto sa lahat ng mga nagpapakalat ng fake news sa social media.

Binantaan ng veteran TV host at comedian ang lahat ng mga netizens na walang ginawa sa buhay kundi ang mam-bully at gumawa ng mga pekeng balita para lang kumita sa YouTube at iba pang platforms.

Sa isang episode ng longest-running noontime show sa bansa na “Eat Bulaga” sa GMA 7, hindi na napigilan ni Bossing na magsalita laban sa mga taong nagpapakalat ng fake news.

Hindi man binanggit ng komedyante ang kanyang pinanggagalingan, siguradong isa sa mga tinutukoy niya ay ang kumalat na tsismis tungkol sa kanila ng dating co-host sa “Eat Bulaga” na si Julia Clarete.

May mga kumalat kasing vlog at news item na nagsasabing siya raw ang tatay ng anak ni Julia na maliwanag naman talagang isang fake news at gawa-gawa lang para makakuha ng maraming likes at comments.

Napanood namin ang pahayag ni Bossing sa “Eat Bulaga” at narito ang ilang bahagi ng kanyang babala, “Eto makinig kayo (sabay tawa), eto ang hugot ko for the day, sa mga nagsa-cyberbully o gumagawa ng fake news, o naninira ng tao sa social media, lalo na o sa ibang paraan. Lagi n’yong tandaan na may nasasaktan kayo, at iyan ay pagbabayaran ninyo.

“Huwag n’yong isipin na pinapalagpas lang ng iba ay mahina o naduduwag, nakikita kayo. Tandaan n’yo yan, nakikita kayo, at hindi natin ‘yan palalampasin.

“Darating ang araw na may paglalagyan kayo. Iyon ang huli, n’yo. Abangan n’yo yan. 

“‘Yung mga nambu-bully o namimeyk news, abangan n’yo. ‘N’yo!” ang sabi pa ni Bossing na ipinagdiinan ang salitang “n’yo”.

Natatawa man ang TV host sa kanyang naging pahayag, mararamdaman pa rin ang kanyang galit sa mga gumagawa ng fake news kapalit ng kita sa socmed. 

Feeling namin, gumagawa na ng aksyon ang asawa ni Pauleen Luna para turuan ng leksyon ang mga taong ito, lalo na ang mga nambu-bully sa kanilang anak na si Tali na ilang beses na ring naging target ng pambabastos at panglalait sa socmed.

Read more...