Megan, Mikael umamin: Palagi naming nakakalimutan ang birthday at anniversary namin

ALIW na aliw kami habang pinanonood ang kulitan at palitan ng punchline ng Kapuso couple na sina Megan Young at Mikael Daez nang mag-guest sila sa nakaraang episode ng “Unang Hirit”.

Sumabak kasi ang mag-asawa sa  “He said, She said” game kung saan kailangan nilang sagutin kung paano nila iha-handle ang iba’t ibang marital issues sa pamamagitan ng mga ibibigay sa kanilang mga eksena.

Una na nga rito ay ano ang magiging reaksyon nila kapag may gustong bilhin sa mall pero medyo hindi swak sa kanilang budget.

“Sasabihin ko, ‘Fofo what can we sell para mabili natin?'” ang pa-cute na sagot ni Megan.

Sey naman ni Mikael, “I would say, ‘Depende if it will make you happy for a very long time, sige bilhin mo. Pero kung masaya ka lang for one day, tapos pagkatapos nu’n wala na, huwag mo nang bilhin. Magkape na lang tayo.’” 

Isa pa sa mga madalas na scenario sa pagitan ng mga mag-asawa na kung minsan ay nagiging malaking iasue rin ay kapag magpapaalam na lalabas with friends lalo na ngayong panahon ng pandemya.

“Sa totoo lang, this comes up a lot. Sinasabi namin na for more than one year, disiplinado kami, sinusundan namin lahat ng safety protocols,” pahayag ni Mikael.

Aniya pa, “So, kung feeling namin medyo sensitive o delikado yung situation or baka maraming tao at hindi natin masusunod yung safety protocols, sinasabi namin ‘next time na lang kasi one year na tayong safe, ituloy na natin.’”

Hirit naman ng Kapuso actress at dating beauty queen, iba na rin raw ang tanong noon sa tanong ngayon, “Noon ang tanong, ‘Saan kayo pupunta?’ Ang bagong tanong ngayon, ‘Vaccinated na ba?’” 

Samantala, hiningan din ng opinyon ang Kapuso couple tungkol sa isyu kapag nakakalimot ang mga mag-asawa sa special dates tulad ng birthday at anniversary.

“Palagi naming nakakalimutan ang birthday ng isa’t isa, pati ang anniversary namin.

“But it’s okay kasi every day ay parang birthday, every day ay parang anniversary,” ang napakalambing na sagot ni Megan.

Natanong din ang dalawa tungkol sa kanilang #couplegoals at sa mga plano nila bilang travel buddies. Anila, kapag medyo maluwag na ang sitwasyon mas gusto nilang mag-travel muna sa Pilipinas para makatulong sa pagbangon muli ng turismo sa bansa.

“Napag-usapan namin ni Mikael na talagang gusto namin na ay Philippines lang muna yung pagta-travel namin kasi we really want to help promote tourism in the Philippines.

“And, at the same time, syempre gusto namin, ‘Okay, dito tayo feeling natin mas safe.’ Siyempre, nandito lang tayo sa loob ng Pilipinas,” chika pa ng Pinay Miss World.

Read more...