SB19 pinanghinaan ng loob noong unang 3 taon sa grupo: Tama pa ba ‘tong ginagawa natin?

MATUNOG na matunog ngayon ang SB19 matapos maging kauna-unahang Filipino and Southeast Asian Act na na-nominate sa Billboard Music Awards for Top Social Artist category.

Talaga namang bongga ito dahil kasama nila sa nominasyon ang  BTS, BlackPink, Seventeen, at si Ariana Grande. Bagama’t hindi nanalo, isa pa ring malaking blessing na ma-recognize worldwide.

Ang SB19 na binubuo nila Josh, Justin, Ken, Pablo, at Stell ay isang Filipino boy-group under ShowBT Philippines na nag-debut noong 2018.

Sa isang interview kasama si Toni Gonzaga, ibinahagi ng grupo ang kanilang mga naranasan noong bago pa lang sila sa industriya.

“Ang hirap po talaga ng buhay. Parang tatlong taon na nga po kaming nagte-training tapos wala pa ring nangyayari. Mapapa-reality check ka talaga na parang ‘Oh, tama pa ba tong ginagawa ko?’

“Tapos halos lahat ng tao sa paligid mo sinasabing ‘Tigil mo na ‘yang ginagawa mo. Grabe tatlong taon ka na, wala ka namang nakukuha diyan. Wala ka namang napapala,'” kwento ni Pablo.

“Hindi naman po kasi lahat ng tao, pinalad sa buhay. Parang katulad ko po, siyempre nagte-training po ako pero honestly wala akong makain sa araw-araw. Nanghihingi lang ako ng baon kay Pablo. So kapag hindi siya nakapagbaon, hindi ako kakain,” kuwento naman ni Josh.

Inalala rin ni Ken kung paano siya nakapasok sa SB19, “That time po, nag-stop po ako sa study. Tapos si Josh, chinat ako tapos ako gustong-gusto ko rin po kasi nagkakalaban kami sa competitions. 

“Tapos, ayon. ‘Yung lola ko lang po ‘yung nakakaalam. Tapos walang pera so si Josh muna ‘yong sumagot ng plane ticket ko para makapunta dito. Fortunately, natanggap talaga ako,” aniya pa.

“1,500 lang ang dala kong pera noong nagpunta ako rito tapos naligaw pa po ako. Naloko pa po ako sa taxi. Inikut-ikot pa po ako tapos nandoon lang pala ako. Sabi ko, ‘Nandito lang ako non, ah.’ Tapos bakit inikot sa malayo hanggang sa umabot na ng 500 ‘yung pamasahe ko,” kuwento pa ni Ken.

Isa pang nakakatawang moment bukod nga sa “na-scam” si Ken ng taxi, ay kinailangan pa nitong mag-travel ng 8 hours sa bus bago ang flight nito pa-Manila.

“Tinanong ko siya, ‘Cagayan ka, ‘di ba?’ Sabi niya ‘Oo, pre’. Binook ko na po siya ng Cagayan to Manila tapos nasa Zamboanga pala siya,” kwento ni Josh.

Bukod pa rito, matindi rin ang inabot na pam-babash ng grupo. Chika ni Pablo, noong minsan daw silang sumakay sa taxi, tinanong nila ‘yung driver kung kilala ba nito ang SB19.

“Natawa po ako kasi sabi niya, ‘Ah, ‘yung SB19? Ay, oo. Kilala ko ‘yan. ‘Yung mga nagpi-feeling Koreano na sinto-sinto.

“Sabi ko, ‘Ay, opo. ‘Yang mga yan, nagpi-feeling Koreano nga ‘yang mga ‘yan. Ano nga ‘yan nakakabwisit panoorin.

“Pero feeling ko po, noong bago kami bumaba, nakakatunog na siya kasi po biglang nagbago ‘yong kwento niya. Sabi niya ‘Pero ano, idol na idol ng anak ko ‘yan.’ Alam niya po ‘yung mga music namin.”

Mayroon rin silang natanggap na mga violent comments tulad ng gusto na raw barilin si Pablo ng isang netizen dahil nabubwisit ito sa binata.

Ngunit totoo nga talaga na hindi palaging nasa ilalim. Makalipas ang ilang taon ng pagsusumikap, dumating rin ang inaasam na break ng SB19. Isang fan account ang nag-repost ng kanilang dance tutorial sa Twitter na naging daan para mag-viral ang grupo.

“Sobrang overwhelming po na ‘yun na ‘yung point na hindi po kami makapaniwala. Until now, pag naaalala ko, nakakataas po ng balahibo ‘yong feeling,” sabi pa ng grupo.

Sa ngayon, patuloy ang pamamayagpag ng boy group na kamakailan lang ay nakipag-team up sa Ben&Ben para sa band version ng “MAPA” na dedicated sa kanilang mga magulang.

Magkakaroon din sila ng virtual concert titled “Back In The Zone”.

Read more...