Teleserye ni Maja may season 2 na; pasok sa Top 3 primetime show ng TV5

MASAYANG inanunsyo ni Maja Salvador na kumpirmadong magpapatuloy pa rin ang kanyang teleserye sa TV5.

“Taping for Season 2!” ang pahayag ng aktres na ang binabanggit nga ay ang teleseryeng “Niña Niño” kung saan kasama niya sina Noel Comia, Jr., Aaron Villaflor at Empoy Marquez.

Ito’y mula sa direksyon ni Thop Nazareno produced ng Cignal TV at TV5 at line-produced naman ng Cornerstone Studios.

Dapat sana ay nu’ng Hunyo pa nagtapos ang unang season ng “Niña Niño” pero dahil maganda nga ang feedback ng mga manonood, isama pa ang patuloy na pagpasok ng TV ads kaya magkakaroon pa ito ng season 2.

Nalaman din namin na number 2 na ito sa mga umeereng primetime shows ng TV5.

Base sa nakuha naming detalye ay pangalawa ang serye ni Maja na may rating na 4.4% sa nangungunang “FPJ’s Ang Probinsyano” na nakakuha naman ng 5.1%; ikatlo ang “Huwag Kang Mangamba” na may 3.2%; at sinundan ng “Sing Galing” with 2.9% kapareho ng “The Wall Philippines” at “PopPinoy.”

At sa nakuha naming resulta sa nakaraang Hulyo 6, Martes mula sa top 20 over-all programs mula sa Nielsen Philippines, TAM (Ariana) National Urban Philippines ay number 15 ang “Niña Niño” na nakakuha ng 4.2%.

Kaya ang saya-saya ng buong cast at hindi mo mararamdamang nagte-taping sila dahil kapag may libreng oras ay mga nagti-TikTok pa sa pangunguna ni Maja kasama ang ilang production staff at lagi rin silang gumagawa ng vlog ng leading man niyang si Empoy na in-upload nila sa kani-kanilang YouTube channel.

Ayon sa isang nakatutok sa serye ni Maja, “Try mo panoorin, kakaibang serye, very, very light lang ang drama, iba ‘yung comedy niya walang mga mabibigat na salita. Ibang putahe.”

Paging TV5, sana i-upload ninyo sa YouTube ang episodes araw-araw ng serye para mapanood din ng nakararami at para puwedeng balik-balikan dahil hindi naman lahat ngayon ay gumagamit ng free TV.

Anyway, kailan kaya ang anunsyo ng TV5, Cignal TV at Cornerstone Studios para saseason 2 ng programa nina Maja, Noel at Empoy?

Read more...