Ilang hula kay Bea para sa 2021 nagkatotoo na; magpakasal din kaya ngayong Agosto?

NAGKATOTOO ang hula kay Bea Alonzo na may magandang mangyayari sa karera niya ngayong 2021.

Ang kilalang international tarot card reader at paranormal expert and ritualist na si Niki Vizcarra ang nanghula kina Bea at Kakai Bautista noong pagpasok ng taong 2021. Na-upload ang vlog noong Enero 2 sa YouTube channel ng aktres na ngayon ay Kapuso star na.

Nu’ng nagpahula si Bea ay gusto niyang malaman kung ano ang mangyayari sa karera niya dahil nga tapos na ang kontrata niya sa Star Magic noong Oktubre, 2020 kung saan nanatili siya sa loob ng 19 years.

Hindi na siya nag-renew ng kontrata dahil wala nang prangkisa ang ABS-CBN bukod pa sa nagpahayag na rin noon ang Kapamilya executive na si Ms. Mariole Alberto na magreretiro na siya ng Disyembre, 2020.

Ngunit may teleserye pa ngang ginagawa noon si Bea pero dahil sa COVID-19 restrictions ay kinansela ito lalo’t hindi rin type ng aktres ang mag-lock-in taping.

Fast forward: may bagong manager na si Bea ngayon, si Ms. Shirley Kuan at naikuwento niya ito kay Niki kaya gusto niyang malaman ang future niya sa taong 2021.

Ipinaliwanag ng tarot card reader na lahat nang mababasa niya base sa piniling card ni Bea ay magsisilbing gabay lamang dahil ang may final say pa rin naman ay ang Panginoong Diyos. Kaya naman bago sinimulan ang pagbabasa ng kapalaran ni Bea ay nanalangin muna silang tatlo.

Sa unang basa palang ay napangiti na si Niki at sinabing sobrang bongga ang career ni Bea ngayong 2021 pero magkakaroon siya ng maraming issues ngunit mananatili siyang reyna sa kinalalagyan niya at ‘wag lang magpapa-distract.

Kung ang paglipat ni Bea sa GMA 7 ang sinasabing pagbongga ng career nito ay nagkatotoo na lalo’t malaki ang offer sa kanya na umabot daw sa P200 million (2 years ang kontrata) para sa gagawin nitong teleserye at iba pa.

Nabanggit din ni Niki na may movie project siyang magiging box-office.  Ang pelikula kayang gagawin ni Bea kasama si Alden Richards ang sinasabing kikita ng malaki mula sa GMA Pictures, APT Entertainment at Viva Films? Yan ang aabangan.

Ang sinasabing maraming issue na kakaharapin ni Bea ay nangyayari na ngayon dahil sa paglipat niya sa Kapuso network dahil hindi pa rin humuhupa ang mga batikos sa kanya.

Sabi nga ni Niki, huwag magpapaapekto kaya siguro lumipad patungong Amerika si Bea kasama ang rumored boyfriend nitong si Dominic Roque ay para lumanghap ng ibang simoy ng hangin.

May binanggit na eight major projects si Niki na offer kay Bea at ang isa ay sa ibang bansa gagawin na sa pagkakaalam namin, ito sana ‘yung sa kanila ni John Lloyd Cruz na kukunan sa Florence, Italy na ididirek ni Cathy Garcia-Molina.

E, wala na sa Kapamilya ang aktres, so malabong gawin pa niya ito at hindi rin naman puwedeng tumanggap ng proyekto si Direk Cathy ng hindi produced ng Star Cinema. Sabi nga ng direktora sa amin, “Kung ako po ang direktor hindi na (magagawa ang movie), baka ibang direktor na po.”

Kaya abangan kung itutuloy ng GMA Pictures ang pelikula nina Bea at JLC pagkatapos ng sa kanila ni Alden.

Tumili si Bea sa narinig na 8 projects, sabi nga niya, “If there’s anything that I learned in 2020, if an opportunity knocks on your door, you should always say ‘yes.’”

Curious lang kami kung totoo nga ba na hindi siya nagpaalam sa mga business unit head ng ABS-CBN? 

Sabi nga ni Direk Laurenti Dyogi, “Okay sana kung maayos ‘yung separation, ‘yun naman lagi ‘yung ating sinasabi na maliit ang ating industriya (showbiz). Let’s not burn bridges, we maybe down now but bilog ang mundo. The best way talaga is have a healthy communication, you know respect for each other.”

At pagdating sa lovelife ay nahulaan ni Niki na may iniisip laging lalaki si Bea kaya natawa ang aktres, “Lagi na lang lalaki ang nasa isip, talandi.”  

Si Dominic Roque na nga kaya iyon?  Dahil consistent naman na sila lang dalawa ang lumalabas na ibig sabihin ay exclusively dating sila.

Dagdag pa ni Niki, “Yung koneksyon mo sa lalaking ito is sa pera, sa business.”

Bale mahilig mag-invest si Bea at si Dom ay maraming negosyo na hindi lang nito ipinagsasabi kaya nga can afford siyang hindi tumanggap ng projects sa ABS-CBN na may mga alok naman daw, base sa kuwento ng manager niyang si Erickson Raymundo.

Mas type raw ni Dominic na mag-post ng mga produkto sa social media dahil doon palang ay buhay na siya, meaning malaki ang bayad at kayang tustusan ang kanyang mga hilig na mangolekta ng paintings at iba pang sports.

Ang isa pang aabangan ay ang nabasa ni Niki sa card na napili ni Bea na in 7 months, posible siyang magpakasal (civil wedding daw) at base sa bilang namin kung Enero ginawa ang hula ay sa susunod na buwan, Agosto na ito magaganap?

At ang church wedding ay 7 years din from now, 2021, sa madaling salita, sa 2028 pa ito mangyayari? Hirit ni Bea, “Kung 7 months huwag muna kasi magtatrabaho pa ako kung 7 years ang tanda ko na no’n, (sabay harap kay Kakai), 40 nga! 40 pa ako ikakasal?”

Kaya lang sa lumabas na itsura ng mapapangasawa ni Bea sa card ay mukhang hindi si Dominic ang lalaki kundi isang taong may edad na.

Speaking of Niki, kilala siya sa showbiz at marami siyang kliyenteng artista. Hindi lang siya pang-showbiz, marami ring mangangalakal at pulitiko ang pumupunta sa kanya o nagpapa-home service na lahat ay nagkakatoo. 

Hindi na namin babanggitin kung sinu-sino ang mga kliyente ni Niki at nabasa rin namin ang mga mensahe sa kanya na nagpapasalamat sa magandang paggabay sa kanila.

Going back to Bea at Dom, abangan kung ano ang isasagot nila kung bakit sila nagpunta ng Amerika, hindi naman siguro para sa civil wedding, ‘no?

Read more...