SOBRA ang panghihinayang ni Cristine Reyes nang hindi siya nakadalo sa 40th Oporto International Film Festival na ginanap sa Porto, Portugal.
Siya ang itinanghal na best actress sa nasabing international filmfest para sa naging performance niya sa thriller movie na “Untrue” kasama si Xian Lim na ipinalabas noong 2019.
Ginanap ang awards night noong March, 2020, habang pasimula pa lang ang COVID-19 pandemic.
Inamin ni Cristine sa nakaraang face-to-face presscon ng TV series niyang “Encounter” kasama si Diego Loyzaga (ginanap sa Botejyu sa Estancia Mall) na hindi niya pinuntahan ang awards night sa Portugal dahil feeling niya ay hindi naman daw siya mananalo.
“Too bad kasi hindi ako nakasama. Parang hindi ko rin kasi in-expect na… parang feeling ko, ‘Hindi naman siguro ako mananalo.’ Sabi kong ganu’n. ‘Parang Malabo.’
“So, I didn’t go. But I guess Direk Sigrid Bernardo went,” ani Cristine nang matanong nga tungkol sa kanyang best actress award.
Ito ang unang best actress trophy ni Cristine at kinabog niya ang kanyang mga kalaban na karamihan ay mga aktres mula sa Europe.
“Sayang, tinatanong ako ng Viva if I wanted to go to Portugal. Tapos hindi ako sumama. Next time, pupunta na ako,” natawang chika pa ng aktres.
Samantala, simula sa July 23, ay mapapanood na via streaming ang “Encounter” nina Cristine at Diego sa VivamaxPH at Vivamax Middle East (UAE, Saudi Arabia, Kuwait, Oman, Bahrain, and Qatar). Vivamax is available at web.vivamax.net.
Ito ang Pinoy adaptation ng hit Korean series na pinagbidahan nina Song Hye-kyo at Park Bo-gum. Sa direksyon ni Jeffrey Jeturian, tuloy pa rin ang airing ng “Encounter” tuwing Sabado, 9 p.m. sa TV5.
Ito’y mula sa Viva Entertainment, ang producer din ng blockbuster adaptations tulad ng “Miss Granny” at “Miracle in Cell No. 7.”