Nang unang nagtawag ng mga kandidata ang Miss Queen of Hearts Philippines pageant para sa pagtatanghal nito ngayong taon, nauna nang sinabing tatlo sa mga magwawagi ang sasabak sa mga pandaigdigang patimpalak—ang Miss Global Universe, Miss Tourism Worldwide, at Miss Lumiere International World.
Ngunit bago pa man dumating ang coronation night, hinayag ng Queen of Hearts Foundation na dalawa pang reyna ang sasabak sa pandaigdigang entablado—ang mga edisyon ng Miss World Peace pageant para sa 2021 at 2022.
At nang idaos na ang panghuling palatuntunan, pumili pa ang organayser ng karagdagang dalawang reynang kakatawan sa Pilipinas sa mga pandaigdigang patimpalak—ang mga unang edisyon ng Miss Western Pacific at Miss Southeast Asia pageant.
Nang itanghal ang coronation night ng 2021 Miss Queen of Hearts Philippines pageant sa Crosswinds sa Tagaytay City noong Hulyo 5, umabot sa pito ang mga reynang ginawaran ng pagkakataong kumatawan sa Pilipinas sa mga pandaigdigang patimpalak, habang kinoronahan din ang tatlo pang kasali sa Top 10.
Makaraan ang serye ng mga virtual competition, pinili ng mga organayser mula sa hanay ng 22 kalahok ang 10 finalists, na siyang umusad sa live na patimpalak. Isinagawa ito upang makasunod sa alituntunin ng pamahalaan kaugnay ng mga pagdaraos ng live events. Pumirmi lang sa hotel ang finalists at naghanda para sa coronation night, na itinanghal nang walang live audience.
Hinirang bilang Miss Philippines Global Universe si Maerylle Blauta ng Abuyog, Leyte. Tinanggap naman ni Kathie Lee Berco ng Pangasinan ang korona bilang Miss Philippines Tourism Worldwide, habang iginawad kay Julia Mendoza ng Sasmuan, Pampanga, ang titulong Miss Philippines Lumiere International World.
Sinabi ni Queen of Hearts Foundation Chair Mitzie Go-Gil sa Inquirer sa isang online interview na idaraos ang patimpalak ni Blauta sa Singapore sa Disyembre, habang sa 2022 pa sasabak sina Berco at Mendoza sa kani-kanilang mga paligsahan.
Kinoronahan si Apriel Joana Zapanta ng Cebu City bilang 2021 Miss Philippines World Peace, habang si Rose Michelle Ilagan ng Oslob, Cebu, naman ang hinirang bilang 2022 Miss Philippines World Peace. Isang virtual competition ang lalahukan ni Zapanta ngayong taon, habang idaraos nang live sa Singapore ang patimpalak ni Ilagan sa 2022.
Itinanghal bilang Miss Philippines Western Pacific si Sophia Andanar ng Atimonan, Quezon, habang Miss Philippines Southeast Asia naman si Edna Gunio ng Taguig City.
Sinabi ni Go-Gil na lilipad ang dalawa sa Singapore sa 2022.
Hinirang naman bilang Miss Queen of Hearts Universe si Glenmayne Yalung ng Nueva Ecija, habang napunta ang titulong Miss Queen of Hearts World kay Famela Rose Santos ng Pampanga. Binuo ni Irene Guzman ng Luna, La Union, ang Top 10 bilang Miss Queen of Hearts International.