Catriona Gray napiling judge sa reality show na Supermodel Me; may movie offer kasama si Sam Milby

ISA sa mga dahilan kung bakit umuwi rin kaagad ng Pilipinas si 2018 Miss Universe Catriona Gray ay dahil marami pa siyang commitments dito sa Pilipinas.

Isa na nga riyan ang Binibining Pilipinas 2021 Coronation Night na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum bukas ng gabi, Hulyo 11.

Makakasama ni Catriona bilang host sa buong pageant night si Binibining Pilipinas Grand International 2016 Nicole Cordoves – unang beses mangyayari sa kasaysayan ng Binibining Pilipinas na parehong babae ang hosts.

Bukod dito ay magiging abala rin si Catriona sa promo ng digital song niyang “Raise Your Flag” o #RYF handog ng Star Music at Cornerstone Studios.

At sa darating na Okt. 11 ay gaganapin naman ang premiere ng “Supermodel Me” base na rin sa post ng dalaga sa kanyang Instagram account.

“#DontStopAtTheTop. We’re on a mission to raise a future generation of supermodels set to revolutionize the industry through impactful positive influence, immense personal strength, and exceptional professional skill.

@supermodelme Revolution Asia Premiere 11th of October on @axnasia
#SMM #SupermodelMe #SMMRevolution.”

Isa ang beauty queen sa mga hurado sa 6th Season ng reality show na “Supermodel Me” na kinumpirma rin ng manager ng dalaga na si Erickson Raymundo ng Cornerstone Entertainment.

Kinunan na sa Singapore ang 12 aspiring models mula sa mga bansang Pilipinas, Singapore, China, Hong Kong, Indonesia, Malaysia, Thailand, at Vietnam.

Ang supermodel at aktres na si Cindy Bishop ang host ng show at bukod kay Catriona ay kasama rin sa mga hurado ang American photographer na si Yu Tsai, TV host Hanli Hoefer, at Singaporean actress Ase Wang.

Ang task masters naman para sa nasabing season ay ang Filipina model na si Monika Sta. Maria na naging runner-up sa “Asia’s Next Top Model” cycle 3 at ang Thai model na si Dana Slosar na nanalo sa “ANTM” cycle 6.

Tungkol naman sa showbiz career ni Catriona ay may offer siyang gumawa ng pelikula kasama ang boyfriend na si Sam Milby. Ang tanong, tanggapin kaya niya ito dahil nga ang alam namin ay mas prayoridad niya ngayon ang hosting, at singing.

Read more...